Malayo na ang narating ng mga Filipino sa larangan ng robotics, yan ang may paghangang pahayag ni Department of Science and Technology-Science Education Institute (DOST-SEI) Director Dr. Josette P. Biyo matapos masaksihan ang galing ng mga lumahok sa 13th Philippine Robotics Olympiad (PRO) noong ika-10-12 Setyembre.
Aniya, nakatataba ng puso na makita ang mga mag-aaral mula elementarya at high school na makipagtagisan ng galing sa iba’t ibang paaralan sa paglalaro ng soccer gamit ang mga robot.
“In the Philippines, there is a lot of interest and potential [in] robotics. We can mention the winnings we had in both the local and international robotics competition as proofs. We can also highlight the increased participation of schools in various robotics contests as another sign that the field is indeed on the rise,” paliwanag ni Dr. Biyo.
Ang PRO ay magkasamang inorganisa ng DOST-SEI at Felta Multimedia, Inc, na naglalayong linangin ang kaisipan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng robotics.13th
Wika ni Mylene Abiva, pangulo ng Felta Multimedia Inc., “it helps unlock the potential of our kids in science, technology, and engineering as we try to produce more robotics experts for the future.”
Ang mga sumusunod ay ang mga nagwagi sa iba’t ibang kategorya ng patimpalak:
Para sa Regular Category Elementary level, ang West Rembo Elementary School (Team B) ang nanguna habang sinundan naman ng Bagong Pag-asa Elementary School (Team A) at ikatlo naman ang Naga Central Elementary School.
Sa High School level naman, ang Living Stone International School (Team A) ay nasa ika-unang pwesto, habang ang Pitogo High School (Team A) naman ang pumangalawa at Diliman Preparatory School Commonwealth ang pumangatlo.
Para naman sa Robot Soccer, ang Philippine Science High School Bicol (Team A) ang nanguna habang pumangalawa ang Benigno High School at sinundan naman ng Science and Technology Education Center.
At para naman sa Open Category Elementary level, ang Dr. Yanga College Inc. ang nanguna habang pumangalawa naman ang Grace Christian College at panghuli ang First Robotics Learning Center. Sa High School level naman pangkat mula pa rin sa Dr. Yanga College Inc. ang nanguna at sinundan pa rin ng Grace Christian College habang nasa ikatatlong pwesto ang Philippine Science High School Eastern Visayas Campus.
Ang nasabing paligsahan ay magsisilbing paghahanada na rin para sa mga kalahok na makikipagtungalian sa World Robot Olympiad sa Sochi, Russia sa Nobyembre.
Samantala, payo naman ni DOST Undersecretary Fortunato dela Peña na linangin ng mga kabataan ang kaalaman nito sa robotics sapagkat ito ay magbibigay hindi lamang ng kasiyahan sa mga manonood kundi ito ay magbibigay din ng malaking oportunidad para sa mga indibidwal na makakuha ng magandang karera sa larangan ng robotics.
Para sa taong ito, mahigit 40 mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at high school ang lumahok sa PRO.