Sa ikalawang pagkakataon ay muling nasungkit ng Merl’s Suman sa Lihiya ang parangal bilang pinakamagaling na produkto sa 2nd MIMAROPA Best Technopreneur Award na ginanap sa Calapan City, Mindoro Occidental.

Bago pa man ang nasabing parangal ay nanalo noong buwan ng Hulyo ang Merl’s bilang 2014 Best SETUP Adopter award – regional level sa katatapos lamang na 2014 National Science and Technology Week sa SMX Convention Center, SM Mall of Asia, Pasay City.

Ang Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP ng  Department of Science and Technology, ay isang pambansang programa na tumutulong sa mga small at medium enterprise upang mas mapayabong ang kanilang produksyon sa pamamagitan ng teknolohiya at inobasyon.

Pinarangalan ang Merl’s sa pagpupursige nitong mapabuti ang kanyang produksyon sa pamamagitan ng tamang teknolohiya at mga kaalamang kanyang natutunan mula sa DOST. Aniya, ang kanyang tagumpay ay nagbuhat sa kanyang pagsisikap at ang tulong mula sa SETUP.

Ang DOST-SETUP ay nagbigay ng mga kaukulang packaging at labeling design para sa mga produkto ng Merl’s. ang Merl’s ay binigyan din ng mga pagsasanay para sa Good Manufacturing Practices at Hazard Analysis and Critical Control Points, pagpapahusay ng proseso sa pagluluto ng suman, pagpapahusay ng paglalatag ng coco jam sa mga produktong suman, nutritional analysis, cleaner production technology consultation, at plant production layout.
Dahil dito, lumago ang negosyo ng mag-asawang Merlita at Ferdinand Bolus ng 325 porsyento o mula 800 na piraso ng mga suman ay nagging 3,400 na piraso ang nagagawa ng Merl’s kada araw. Dagdag pa ni G. Merlita Bolus, ang kanyang negosyo ay kumikita na ng P1.81 milyon mula sa P462,000 at nakapagbibigay ng trabaho sa may 80 empleyado sa kasalukuyan. 

Kaya naman ang produkto ng Merl’s ay hindi na lamang sa Calapan mabibili kundi ito ay mayroon nang mga distributor sa National Capital Region at Southern Luzon.

Inamin naman ni G. Bolus na ang tagumpay na kanyang nalalasap ngayon ay hindi niya maaabot kung walang tulong ng Diyos at nang DOST-SETUP.

Samantala, nais naman ni DOST IV-B Regional Director Josefina Abilay na patuloy pang yumabong ang nasabing parangal upang mas marami pang mga maliliit na mamumuhunan ang makilala hindi lamang sa probinsya kundi pati na rin sa buong bansa. “I hope this would promote excellence among MIMAROPA’s SMEs,” pagtatapos ni Dr. Abilay. (S&T Media Service, DOST-STII)