Pormal ng lumagda sa isang kasunduan ang Department of Agrarian Reform o DAR at ang lokal na pamahalaan ng Calapan City sa lalawigan ng Oriental Mindoro para sa pagpapatayo ng may kabuuang halagang P600,000- libong pisong squash processing center doon.

Ayon kay DAR Region 4-B Director Erlinda Pearl V. Armada, layon ng naturang proyekto na matulungang maitaas ang kita ng mga magsasakang benepisyaryo na nagtatanim ng squash o kalabasa partikular na ang mga miyembro ng Guinobatan Agrarian Reform Community Cooperative sa naturang lugar.

Sinabi pa ni Director Armada na P480,000- libong piso sa naturang proyekto ay manggagaling sa DAR sa ilalim ng “Grassroots Participatory Budgeting” program ng Pamahalaan at ang natitirang P120,000- libong piso naman nito ay magmumula sa pamahalaang lungsod ng Calapan.

Batay sa inaasahang kita, ang return on investment ng naturang proyekto para sa unang taon ay 17.40 porsiyento. Ibig sabihin, P66,000- libong piso kada buwan o P792,000- libong piso kada taon ang maaaring kitain ng naturang kooperatiba.(jnormt)