Kinilala ni Isulan, Sultan Kudarat Mayor Diosdado Pallasigue ang malaking pagbabago sa sektor ng agrikultura sa kanilang bayan mula nang makatanggap sila ng iba’t ibang proyekto mula sa Department of Agriculture (DA). Ito ang paliwanag ng alkalde sa ginanap na kauna-unahang World Bank- Philippine Rural Development Project (PRDP) Review Mission sa Isulan, Sultan Kudarat noong January 27, 2015.

Partikular na tinukoy ni Mayor Pallasigue ang mga proyektong pangkabuhayan at imprastraktura na ipinagkaloob sa mga grupo ng mga magsasaka ng Mindanao Rural Development Program (MRDP) noon at ng mas pinalawak na bersiyon nitong PRDP.

Dahil sa mga proyekto mula sa MRDP at PRDP, ipinahayag nito na mas lumawak pa ang rice areas ng Isulan mula sa datihang 7,000 ektarya hanggang sa 11,000 ektarya sa kasalukuyan.

Ikinuwento rin ng alkalde na umaabot ng P30.00 hanggang P40.00 bawat sako ang nagagastos ng bawat magsasaka sa transportasyon ng kanilang mga produkto. Pero ngayon, dahil sa magaganda at konkretong daanan, hindi na nila kailangang ilabas ang kanilang produkto dahil sila na mismo ang pinupuntahan ng mga bibili nito.

“Nakapapasok na ang lahat ng uri ng mga sasakyan lalung-lalo na yung mga malalaking trak na naghahakot ng mga ipinagbibiling palay ng mga magsasaka,” dagdag ng lokal na ehekutibo.

Pagbabahagi pa ni Pallasigue, “Sa pagsisimula ng MRDP 2 noong 2007 ay sinalubong ito ng mga batikos ng aking nasasakupan dahil sa halos 60 na taon ay hindi pa kami nakatitikim ng anumang proyektong pang-agrikultura, ngunit hinikayat ko ang mga ito na maging positibo sa proyekto kaya sa ngayon ay mahigit sa 2,000 libong magsasaka na ng bayan o higit sa 2,000 ektaryang palayan na ang nakaka-benepisyo mula sa mga proyekto.”

Naging posible ang pagpapalawak ng rice areas sa bayan dahil sa P17.8 milyong halaga ng mga farm-to-market roads (FMRs) sa ilalim ng Rural Infrastructure component ng MRDP 2. Ito ay kinabibilangan ng rehabilitasyon ng Pangulan-Linek-New Pangasinan FMR (P6.36 milyon); Pangulan-Linek Phase 2 FMR (P5.75 milyon); Pangulan-Linek-Kemundo FMR (P4.80 milyon); at Linek-Pangulan FMR (P890,000). Sa kabuuan, sumusukat ang apat na FMR subprojects ng aabot sa 7.29 kilometro.

Samantala, sa ilalim ng PRDP, higit sa P140 milyong halaga ng FMR subprojects ang ipinagkaloob sa bayan ng Isulan  bilang kauna-unahang local government unit na nakatanggap at nakapagpatupad ng proyektong imprastraktura mula sa PRDP.

Mula sa nasabing halaga, P36.7 milyon dito ay sinisimulan na ang konstruksyon na binubuo ng tatlong FMR subprojects.  Ito ay ang mga sumusunod: Purok 2-San Martin FMR sa Barangay Kudanding (95% completed; P18.6 milyon); Tayugo-Paladong FMR sa Barangay Tayugo (38% completed; P17.8 milyon); at Bual-Talitay FMR sa Barangay Bual (30% completed; P16.2 milyon).

Maliban dito, nakatakda na ring ipatupad ang dalawa pang malalaking FMR sub-projects sa bayan ayon kay Mayor Pallasigue. Kinabibilangan ito ng rehabilitasyon ng Veterans-Magsaysay-Angeles-Mainuswagon FMR na nagkakahalaga ng P43.80 milyon, at pagsesemento ng Upper Dansuli-Labintao-Purok Malipayon FMR na nagkakahalaga naman ng P60.16 milyon.

Lubos na pinasalamatan ni Mayor Pallasigue ang DA, MRDP, PRDP at World Bank dahil sa naging tulay ang mga ito upang matamasa ng mga magsasaka sa kanilang bayan ang pag-unlad matagal na nilang inaasam-asam. # # #(LMSalvo/DA RAFIS 12)