Malaki ang magiging pakinabang para sa ordinaryong commuters at mga biyaherong negosyante ng bubuksang South Luzon Expressway extension project mula Calamba hanggang Lucena City, ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala.
“Iigsi po ang biyahe ng mga dadaan sa Quezon ng hanggang isa’t kalahating oras, lalung-lalo na mga papatungong Bikol pababa ng Visayas,” ani Alcala, na isa sa mga pangunahing nagtulak sa naturang proyekto nang siya’y kongresista pa sa Ikalawang Distrito ng lalawigan. Itinuloy naman ito ng kanyang anak na si dating Congressman Irvin Alcala.
Ayon sa kalihim, isinasapinal na lamang ang schedule ng opening at blessing ng naturang proyekto, na inaasahang pakikinabangan din ng mga magsasaka at mangingisda mula Timog Katagalugan at Kabikulan na magluluwas ng kanilang mga produkto papunta ng Metro Manila at iba pang merkado.
Ginawa ng Kalihim ang pahayag sa kanyang pagbisita noong Martes sa Polanqui, Albay upang pasinayaan ang isang P16-milyong rice processing complex sa Barangay Banilad na pinondohan ng Department of Agriculture. Dumalo sa naturang programa si Albay Governor Joey Salceda, na abot-abot ang pasasalamat kay Secretary Alcala at sa pamilya ng Kagawaran ng Pagsasaka sa aniya’y suporta sa kanyang agri-fishery development agenda para sa kanilang lalawigan.
Mula sa Polangui, nagtungo rin ang Kalihim sa Bula, Camarines Sur upang buksan ang kaparehong pasilidad sa Barangay San Ramon, at sa Naga City upang dumalo sa Regional Farmers’ Congress kung saan humigit-kumulang 1,700 magsasaka, agricultural extension workers at LGU executives mula sa buong Bikol ang kanyang nakaharap.
Pinangunahan din ni Alcala, ang pagbubukas ng isang community-level coconut water extraction facility sa loob ng DA regional office sa Pili, Camarines Sur, na pilot initiative ng DA-Philippine Rural Development Project, PhilMech, Central Bicol State University of Agriculture at Provincial Government.
Bukod sa mga naturang proyekto, namahagi rin ang kalihim ng humigit-kumulang P50 milyong halaga ng makinarya at iba pang production assistance sa mga grupo ng magsasaka at LGUs mula sa iba’t ibang bahagi ng Bikol. (Mac Garcia DA-OSEC)