Kasabay sa pagpapatupad ng P110 Suggested Retail Price (SRP) sa bawat kilo ng manok sa mga palengke sa kamaynilaan ngayong araw, magkasabay naman na binisita ng Department of Agriculture at ng Department of Trade and Industry (DA-DTI) ang Kamuning Public Market, Mega Q-Mart at ang Farmers Market kaninang madaling araw.
Pinangunahan ni DA-AMAS Asec Leandro H. Gazmin kasama si Manolette Gaerlan ang nasabing pag bisita. Sa panig naman ng DTI si Dir. Danilo B. Enriquez ang nanguna kasama sina Asst. Dir. Ferdinand Manfoste at Rosila Egmilan.
Unang pinuntahan ng grupo ang KAMUNING MARKET, na kung saan 6:00 am pa lamang ay nasa lugar na ang grupo. Kasunod na tinungo ng grupo ang MEGA Q MART at panghuli ang FARMERS MARKET.
Sa Kamuning Market at Mega Q-Mart, maraming may-ari at tindera ang hindi sumunod sa itinakdang presyo ng DA at ng DTI na P110 ang SRP sa bawat kilo ng manok. Ibinibenta pa rin nila ito mula P120 hanggang 135 pesos.
Ayon sa aming mga nakapanayaam, ang hango nila sa dressed chicken ay P104.00 bawa’t kilo. Magbabayad pa sila umano sa pwesto, sa kargador, at sa permit sa City Hall. Wala na raw silang kikitain kung susundin nila ang SRP ng DA at DTI .
Kabaliktaran naman ito sa Farmers Market, na kung saan nakapaskil pa ang presyo na P110 sa bawat kilo ng manok, sa halos lahat ng puwesto.