By: Lilibeth De Jesus

image

Isinilang sa Tarlac,Tarlac si Hermogenes Dennis Jarin III ng kanyang butihing ina na tubong Tarlac at ang kanyang ama na Caviteño.

Nag-aral sa San Beda College mula elementarya hanggang kolehiyo, at bago nya ito natapos, nagpasiya syang lumuwas ng America upang duon magtapos ng pag-aaral at manirahan.

Sa paglipas ng mga taon, determinasyon at pagsisikap ang siyang nagbukas ng daan sa kanyang pangarap, ang maging alagad ng batas sa Amerika. Nung sya ay grade 5 pa lang sinasabi nya sa kanyang mga kamag-aral na gusto nyang maging pulis pagdating ng araw, marahil nakuha nya ito sa panonood ng mga palabas sa telebisyon tulad ng Starsky & Hutch, Chips at Streets of San Francisco.

Nakatapos si Dennis ng kolehiyo at hindi naging madali sa kanya ang pag aaply para maging alagad ng batas sa ibang Bansa, sadyang mahigpit ang kompetisyon. Nag umpisa sa bilang na 300 aplikante, bumaba sa 100 hanggang sa 20 katao at ang maari lamang matanggap ay 2 tao para mapabilang sa pwersa ng pulis sa New Jersey, at isa si Dennis sa mapalad na nakuha.

Nagsimula bilang Patrolman si Dennis, at  nagpakita ng husay at galing sa kanyang pinasok na propesyon.  Naglunsad siya ng maraming programa sa New Jersey police, gaya ng pag-establisa ng motorcycle unit para sa kanilang departamento, na kung saan nagkaroon din sya ng pribilehiyo na magpatrol na sakay sa Harley Davidson na motor (isa sa mga tanyag na uri ng motorsiklo sa buong mundo). Isa rin ito sa nagbigay ng ideya sa kanya para itayo ang Toy Run Foundation, kasama ng kanyang may-bahay.

Ang Toy Run Foundation ay namimigay ng regalo para sa mga kapus palad na mga bata tuwing pasko. Taon-taon, tuwing unang linggo ng Oktubre ay nagsasama-sama ang mga nagmomotor mula sa iba’t-ibang lugar gaya ng New York, Pennsylvania at New Jersey at isinasagawa nila ang Toy Drive, Sabay-sabay silang nagmomotor ng 65 na milya at kaakibat nito ang paglikom ng mga donasyon para sa Toy Run Foundation. Nag-aayos sila ng isang lugar kung saan sineset up ang mga nalikom na mga laruan. Ang mga magulang na nakapagpatala sa simbahan, ang siyang maaaring pumunta dito upang pumili ng 5 laruan sa bawat bata.

Marahil kayo man ay magtataka kung bakit hindi ang mga bata ang siyang pinapupunta sa set up? ito ay sa kadahilanang nais mapanatili ng TRF ang tradisyon na ang mga regalo ay galing kay Santa Claus at mabigyan ng kasiyahan ang mga magulang na salat sa kakayahang bumili ng regalo para sa kanilang anak. Binibigyan nila ng pagkakataon ang mga ito na maibalot pa ang mga laruan para sa mga bata, upang sa gabi ng pasko ay mayroon silang bubuksan na regalo. Ngayong 2015 ay ang 1ka-15 na taong anibersaryo ng Toy Run foundation.

Sa kasalukuyan, si Dennis ay ang Patrol Sergeant Traffic Safety Unit Motorcycle Unit Supervisor kung saan mas malawak at malaki ang kanyang responsibilidad sa pagiging alagad ng batas. Isa na dito ang masusing pamamahala sa kanyang mga tauhan at ang pagsasanay niya sa mga ito. Nagsisilbing magandang halimbawa sa kanyang mga kasamahan si Dennis, at sana magsilbi ring inspirasyon sa ating mga Pilipino, na ang pag abot ng pangarap ay makakamtan basta’t gugustuhin at pagsisikapan. Nakakatuwang isipin ang tatak ng pusong pinoy ay hindi mawawala sa atin saan man tayo mapunta. Mabuhay ka Dennis Jarin at ipagpatuloy mo ang maganda mong gawain at adhikain. Ipinagmamalaki ka namin.

imageimageimage

imageimageimageimage