SA ikalima at huling araw sa pagdiriwang ng National Science and Technology Week (NSTW), isang “On-the-Spot Poster Making Contest” ang isinagawa ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) .
Ang nasabing poster making contest ay tinawag na Likhang SIPAG, na naglalayong mabigyang pagkilala ang mga indibidwal at grupo na nagsusulong sa pag-unlad ng agrikultura sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.
Binigyan ng isa at kalahating oras ang mga kalahok para magpakitang gilas sa mga hurado.
Gamit ang mga water-based paint, sila ay gumihit at nagpinta nang mga pigurang sumasalamin sa programa ng DOST-PCAARRD na Strategic Industry Program for Agri-Aqua Growth o SIPAG na nakasentro sa ‘science-based know-how tools’ na siyang daan upang maiangat ang sektor ng agrikultura, aquatic at natural resources.
Sa pagtatapos, hinirang bilang pinakamagaling ang obra ni Jestoni Albarillo Rubantes ng Pasay City West High School na tumatalakay sa likas-yaman ng bansa na isa sa mga sektor na pinayayabong ng DOST-PCAARRD. Samantala, nasa ikalawang puwesto naman si Yanicko Sydbourne Covar ng Southbay Montessori School, Sta. Cruz, Laguna na naglalarawan sa kahalagahan ng kooperasyon upang makamit ang ninanais na kaunlaran. Pumangatlo naman si Princess Dianne Sabino ng St. Louis College of Valenzuela para sa kanyang likhang sumasalamin sa agham at teknolohiya, bilang mahalagang sangkap sa pag-unlad ng agrikultura sa bansa.
Ang mga nagwagi ay tumanggap ng cash prize at plaque mula sa pamunuan ng DOST-PCAARRD.
Ang Likhang SIPAG On-the-Spot Poster Making Contest ay ikalawang taon nang isinasagawa ng DOST-PCAARRD para sa pagdiriwang ng NSTW. Ito ay handog ng nasabing ahensiya sa mga mag-aaral upang mapalaganap ang kaalaman sa agham at teknolohiya sa pamamagitan ng pagguhit. (Click image to enlarge.)