Mahilig ka bang gumawa ng mga digital learning games? Pinangarap mo rin bang mapabilang sa game development industry na ngayon ay nauuso sa Pilipinas?  Kung oo ang sagot mo, siguradong para sa’yo ang 1st Salinlahi Evolution.

Ang Salinlahi Evolution ay isang kompetisyon sa larangan ng game development. Bukas ang paligsahan para lahat ng kabataang nais ibahagi ang kanilang kakayahan at kaalaman pagdating sa teknolohiya sa pamamagitan ng paglikha ng mga larong maipagmamalaki sa buong bansa.

Ang Philippine Science Heritage Center, sa ilalaim ng pamamahala ng Department of Science and Technology- National Academy of Science and Technology (DOST-NAST), ay inaanyayahan ang lahat ng mga kabataang Pilipinong game developer, na may edad 16-21 taong gulang, na makilahok at magkaroon ng pagkakataong maging isa sa mga kinikilala pagdating sa game industry.

Ang nasabing kompetisyon ay may layuning maitaguyod at maipabatid ang Science and Technology (S&T) sa publiko higit lalo sa mga kabataan sa pamamagitan ng paggawa ng mga digital learning platforms na may kaugnayan sa S&T. Ang paligsahan ay maaaring salihan ng indibidwal at grupong hindi lalagpas sa apat (4)  na miyembro.

Ang magwawagi ay makakatanggap ng P50,000 at magkakaroon ng pagkakataong maitampok sa Philippine Science Heritage Center, na kilala bilang tahanan ng mga natamo at nai-ambag ng mga lokal at siyentipikong komunidad, na matatagpuan sa Science Heritage Building, DOST Complex sa Taguig City. Habang ang limang (5) top entries ay magkakaroon ng pagkakataong maipakita ang kanilang nalikhang laro sa gaganaping Salinlahi Evolution Conference sa Disyembre.

Maaaring magsumite ng mga entries hanggang sa Oktubre 15, 2015.

Para sa karagdagang impormasyon, maaari lamang na bumisita sa www.nast.phowww.facebook.com/pshc2013. Maaari ring magpadala ng mga katanungan sa secretariat@nast.ph at sa salinlahi.nast@gmail.com o tumawag sa 8372071 local 2173 o 3224.