Mahigit 200 acquired properties ng Social Security System (SSS) tulad ng bahay at residential lots ang ibebenta sa 10th Housing Fair na gaganapin sa Oktubre 16-18 sa 5th Flr. SM Megatrade Hall 1, SM Megamall Building B sa Mandaluyong City.

Ayon kay May Catherine Ciriaco, SSS Senior Vice President at Officer-in-Charge ng Lending and Asset Management Division, tatanggap ang SSS ng minimum downpayment mula 5% para sa mga properties na nagkakahalaga ng P500,000 pababa at hanggang 10% naman para sa mga bahay at loteng higit dito ang halaga.

“Nais ng SSS na maging abot-kamay ng ating mga kababayan ang pinapangarap na sariling tirahan. Bahagi ng aming mga ibebenta sa housing fair ay mga lote na may pangkaraniwang sukat na 120 square meters,” ayon kay Ciriaco

Sa ilalim ng Housing Fair, maaaring bayaran ang SSS properties nang hanggang 15 taon bago sumapit ng 65 anyos ang bibili. Maaaring bayaran ng cash o manager’s check ang downpayment at full payment, samantalang post-dated checks naman ang dapat ibigay sa SSS para sa installment plan.

“Iaalok ng SSS ang mga properties na ito sa mababang interes na 6% para sa balanse ng mga ari-arian na P500,000 pababa ang halaga at 9% naman kung ang balanse ay higit sa P500,000. May 10% diskwento naman kung babayaran ng buo ang ari-arian,” ayon pa kay Ciriaco.  dagdag pa nito na ang bibili ay kailangang Filipino citizen at nasa 18 hanggang 65 taong gulang.

Ang mga ibebentang property ng SSS ay nasa National Capital Region, Baguio, Tarlac, San Pablo, Naga, Cebu, Bacolod, Davao, Cagayan de Oro at Zamboanga. Pang-sampung beses nang sumali ang SSS sa taunang Housing Fair na itinatag ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Mula noong 2006, nakabenta na ang SSS ng mahigit 2,100 acquired properties na may total selling price na P1.2 bilyon sa Housing Fair. Itong taong ito, may temang “Disenteng Pabahay, Maunlad na Buhay” ang housing fair at ang mga properties na ibebenta ay mula sa mga iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at private developers.

“Bukod sa pagtulong sa pamahalaan na mabawasan ang bilang ng mga Pilipinong walang sariling bahay, ang regular na pagsali ng SSS sa Housing Fair ay isang paraan para maibenta ang mga housing units na hindi nabayaran sa SSS at ialok ito sa publiko sa murang halaga at mas madaling paraan,” dagdag ni Ciriaco.

Ang mga interesadong bumili ng SSS property sa 10th Housing Fair ay kailangang magprisinta ng dalawang valid ID at proof of income tulad ng certificate of employment, payslip, pinaka-bagong Income Tax Returns, at financial statement para sa mga self-employed at indibidwal. Para sa mga Overseas Filipino Worker, maliban sa mga nabanggit na dokumento, kailangan din nilang iprisinta ang kanilang job contract at Special Power of Attorney para sa kanilang kinatawan na makikipag-transaksyon sa SSS sa pagbili ng SSS property.

Para sa ibang detalye ng mga ibebentang SSS properties, maaaring bisitahin ang Acquired Asset Disposal and Monitoring Section ng SSS Asset Management Department sa 12th Floor ng SSS Main Office sa Diliman, Queson City, o di ay kaya tumawag sa numerong 920-6401 local 5123 o 5125.

Makikita din ang listahan ng SSS properties na ibebenta sa SSS website (www.sss.gov.ph) mula October 16, ang unang araw ng Housing Fair. Maaari rin silang makipag-ugnayan sa mga SSS cluster offices sa mga probinsya gamit ang SSS branch directory na nasa SSS website din.(SSS Media Affairs Department)