Kasabay sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, bibigyan ng Social Security System (SSS) ng 13th month pension na may kabuuang halagang P6.34 billion ang mahigit dalawang milyon pensyonado nito ngayong Disyembre, kasabay ng pagtanggap nila ng buwanang pension.
Ayon kay SSS Vice President ng Benefits Administration Division Agnes E. San Jose, doble ang pensyon na tatanggapin ng mga pensyonado ng SSS ngayong Disyembre. Simula noong 1988 ay taunang tradisyon ng SSS ang pagbibigay ng 13th month pension. Diretsong papasok sa bank account ang 13th month pension o di kaya ay ipapadala ang tseke sa koreo.
“Ang pondong inilaan para sa 13th month pension ay naibigay na ng SSS sa mga partner banks nito noon pang Nobyembre. Gaya ng nakaraang taon, tatanggapin ng mga pensyonado ang kanilang 13th month pension kasabay ng kanilang regular na pensyon para sa Disyembre,” sabi ni San Jose.
Mahigit 99 porsyento ng mga SSS pensioners ay nakarehistro sa Pension Payment thru the Bank Program, o ang dating Mag-Impok sa Bangko Program, kung saan direkta nilang tinatanggap ang kanilang buwanang pensyon sa kanilang savings account. May 12,500 pensyonado naman ang piniling tanggapin ang kanilang pensyon sa pamamagitan ng tseke na ipinapadala sa pamamagitan ng koreo dahil sa kakulangan ng automated teller machines sa kanilang lugar.
“Halos P6.31 bilyon na 13th month pensions ay nakatakdang ibigay sa pamamagitan ng bank accounts ng mga pensyonado. Ang natitirang P34.61 million ay ibibigay sa pamamagitan ng tseke na ipapadala sa tirahan ng mga pensyonado,” sabi ni San Jose.
Idineposito ng SSS ang 13th month pensions sa mga banko ng mga pensyonado dalawang linggo bago ang sumapit ang buwan ng Disyembre. Ikinarga naman ng mga SSS partner banks sa indibidwal na bank account ng mga pensyonado ang 13th month pension simula noong Disyembre 1. Maaaring i-withdraw ang pension batay sa petsa ng retirement, death o disability ng miyembro.
“Halimbawa, kung ang isang miyembro ay nagretiro ng Enero 15 at ang kanyang asawa na miyembro din ng SSS na kuwalipikado sa pension ay namatay noong Marso 20, maaari niyang i-withdraw ang kanyang SSS retirement pension tuwing ika-15 ng buwan at ang kanyang SSS death pension tuwing ika-20 ng buwan,” paliwanag ni San Jose.
Ang SSS ay nagbibigay ng pensyon para sa retirement, death and disability sa ilalim ng Social Security (SS) Program. Ito din ang nagbibigay ng disability at death pension sa ilalim ng Employees’ Compensation (EC) Program, na dagdag-benepisyo para sa mga work-related na pagkakasakit, pagkabaldado o pagkamatay ng miyembro.
Nagkakahalaga ng P4.01 bilyon ang SS retirement pension, 60 porsyento nito ay para sa 13th month pension habang ang P2.06 bilyon ay para sa SS death pensions. Ang P200.30 milyon naman ay para sa SS disability pensions, P52.71 milyon para sa EC death pensions at P5.21 milyon para sa EC disability pensioners.
“Dahil malapit na ang bagong taon, nais din naming paalalahanan ang aming mga pensyonado na markahan na ang kanilang kalendaryo para sa petsa ng kanilang ACOP (Annual Confirmation of Pensioners). Ginagawa ang ACOP sa buwan ng kapanganakan ng miyembro,” sabi ni San Jose.
Sa ilalim ng ACOP, ang mga pensyonado ay kinakailangang magpunta sa pinakamalapit na SSS branch o depository bank isang beses kada taon upang ipakitang sila ay kwalipikado pa din na tumanggap ng pensyon. Para naman sa mga hindi makakapunta sa SSS, maaari nilang ipadala ang kinakailangang dokumento sa SSS o humiling ng home visit.