Parusang pagkakakulong ang hatol ng Makati Regional Trial Court (RTC) sa isang presidente ng kumpanya ng information technology (IT) services dahil sa hindi pagreremit ng Social Security System (SSS) contributions ng mga empleyado nito. Na ayon sa batas, ito’y paglabag sa Republic Act 8282, o mas kilala bilang Social Security Act of 1997.
Kinilala ni RTC Branch 48 Presiding Judge Andres Bartolome Soriano ang akusado na si Franklin K. Meneses, Presidente ng Cytronics International Inc. (CII) na hinatulan ng pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon at pagbayad ng halos P1.2 milyon na kontribusyon at penalty, kasama ang karagdagan pang penalty at halaga ng nagastos sa paglilitis.
“Bilang presidente, si Meneses ang pangunahing responsable sa pamamahala ng CII ganoon din ang paglabag sa batas ng kumpanya. Hindi kami magdadalawang-isip na habulin ang mga employer na pinababayaan ang kanilang obligasyon sa SSS,” ayon kay Atty. Renato Jacinto S. Cuisia, SSS Assistant Vice President para sa Operations Legal Department (OLD).
Ayon naman kay SSS Account Officer Carolyn Villanueva-Adalia na ang paglilitis ay inabot ng mahigit apat na taon bago niya naipasa ang reklamo mula sa petsa ng kanyang pagpapadala ng billing letter sa CII noong Agosto 24, 2007. Ayon pa kay Adalia, kinailangan niyang muling kompyutin ang halagang kailangang bayaran sapagkat ang CII ay nag-avail ng Contribution Penalty Condonation Program for Employers noong 2009 subalit hindi pa din nila nairemit ang mga installment payment.
“Binigyan na ng SSS ng pagkakataon ang CII upang mabayaran ang kanilang delinquency sa pamamagitan ng Condonation Law of 2009 dahil mas importante sa SSS na masingil ang kontribusyon para sa mga empleyado. Subalit, kahit binigyan na ng pagkakataon ang CII, hindi pa din nagawa ng kumpanya ang mga ipinangako nito base sa napagkasunduang installment plan. Wala na kaming ibang maaaring gawin kundi dalhin ang kaso sa husgado,” dagdag pa ni Cuisia.
Base sa komputasyon ng SSS, nagkakahalaga ng P2,761,248.58 ang utang ng CII mula Nobyembre 2000 hanggang Setyembre 2010. Ayon kay Adalia, ang komputasyon ay ayon sa petsa kung kailan nireport ng CII sa SSS ang pagsasara ng kanilang kumpanya noong 2010.
Subalit, nagpasya ang korte na dapat base na lamang sa April 10, 2010 na payroll ang pagkompyut ng utang ng CII imbes na sa petsa kung kailan nito nireport sa SSS ang pagtigil ng operasyon ng kumpanya. Ayon sa korte, ang dapat lamang bayaran ng CII ay P1,186,301.92 at hindi iyong halagang sinisingil ng SSS.
Maliban kay Meneses, kinasuhan din ng korte sina Ruperto K. Capistrano at Leopoldo G. Soberano Jr., na parehong miyembro ng CII board dahil sa paglabag sa Social Security Law. Subalit sa ngayon, pareho pa silang pinaghahanap ng batas.
“Habang may desisyon na ang korte sa kaso laban kay Meneses, ang kaso laban kay Capistrano at Soberano ay pansamantalang sinuspende habang sila ay hindi pa naaaresto o sumusuko. Humihingi kami ng tulong sa mga empleyado ng CII at sa publiko upang magkaroon kami ng impormasyon upang sila ay maaresto,” sabi pa ni Cuisia.
Nagsumite si Meneses ng Notice of Appeal sa hatol ng korte laban sa kanya. Subalit, ayon kay Atty. Leandro X.M. Viloria, Jr., ang abogadong may hawak ng kaso, handa ang SSS na ipaglaban ang kaso nito upang masiguro na mabayaran ito at magsilbing babala sa mga employer na may tungkuling nilang sumunod sa batas.