Naglabas na ang Social Security System (SSS) ng halos P2 bilyong para sa buwan ng Enero 2017, ito’y matapos na aprubahan ang karagdagang P1,000 benepisyo para sa mga pensyonado nito.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, mahigit 2.04 milyong pensyonado ang makatatanggap ng karagdagang P1,000 benepisyo sa Biyernes, Marso 3.
“Malugod naming ibinabalita sa aming mga pensyonado na ang karagdagang P1,000 benepisyo para sa buwan ng Enero 2017 ay maaari nang i-withdraw sa kanilang bank accounts. Samantala, ang mga karagdagang benepisyo para sa buwan ng Pebrero at Marso ay matatanggap sa mga susunod na Biyernes ng Marso (10 at 17),” sabi ni Dooc.
“Magpapatuloy ang SSS sa paghahanap at paggawa ng mga paraan upang mapahaba ang buhay ng pondo para mapaglingkuran pa ng mahabang panahon ang mga kasalukuyan at papasok pang mga miyembro nito,” dagdag pa niya.
Batay sa ginawang bagong pagpoproseso ng listahan ng mga pangalan ng mga pensyonado ng Information and System Department, naideposito na ang mahigit sa P2.04 bilyon sa bank accounts ng mga pensyonado at maaari nang i-withdraw sa mga nasabing petsa.
Ang karagdagang P1,000 benepisyo para sa mga pensyonado ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 10 samantalang ang pormal na direktiba upang ipagkaloob ang pensyon ay pinirmahan noong Pebrero 22.
Lahat ng retirado, survivors, permanent and partial disability pensioners ay makatatanggap ng P1,000 karagdagang benepisyo. Maging ang mga bagong pensyonado ay makatatanggap din ng karagdagang benepisyo.
Tinatayang aabot sa halos P6.9 bilyon ang inilaang halaga para sa karagdagang P1,000 benepisyo para sa unang tatlong buwan ng taon. Ito ay karagdagan sa P7.4 bilyon na inilalabas kada buwan simula noong Enero 2017 para sa regular na pensyon.
Higit sa 2 milyong SSS pensioners ang makatatanggap ng paunang karagdagang benepisyo. Inaasahang aabot sa 350,000 ang mga bagong pensyonado sa susunod na taon.