Kinastigo ng Regional Trial Court ng Virac, Catanduanes ang limang may-ari ng negosyo dahil sa paglabag sa Republic Act 8282 o Social Security Act of 1997. Hindi nila pinarehistro at ini-report sa Social Security System (SSS) sa tamang panahon at tamang bilang ang kanilang negosyo at mga empleyado.

Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na pinagmulta ng P10,000 bawat isa sina Mercy S. Abang, may-ari ng KSC Kakanin dahil sa hindi pag-rehistro bilang employer; Cornelia R. Valeza, may-ari ng Jezreel Unisex Fashion dahil sa hindi pag-report ng mga empleyado. Pinagmulta din ng P10,000 sina Janelle B. Pongan, may-ari ng DJ’s Auto Repair Shop;  Catalino T. Olfindo, may-ari ng Cathy’s Restaurant; at Andrew G. Co, may-ari ng Virac Bounty Commercial dahil sa hindi pagbabayad ng kontribusyon.

“Ito ay paalala para sa mga employers ngayon at sa mga susunod na panahon na ang hindi pag-report bilang employer, hindi pag-report ng mga empleyado at hindi pagbabayad ng kontribusyon ay malinaw na paglabag sa batas ng SSS. Para maiwasan nilang maharap sa kriminal at sibil na kaso, dapat ay tumupad sila sa kanilang obligasyon sa SSS,” sabi ni Dooc.

Ayon sa desisyon, lahat ng limang akusado ay lumabag  at umaming nagkasala. Dahil dito,  pinagmulta sila ng korte kahit na tumupad na sila sa kanilang obligasyon pagkaraan na sila ay makasuhan.

Base sa rekords, nagsimula ang negosyo ni Abang noong Oktubre 2015 subalit nag-rehistro lamang ito sa SSS noong Setyembre 2016. Si Valeza naman ay kumuha ng mga empleyado noong Marso 1996 at Nobyembre 2002 subalit ni-report lamang niya sa SSS ang kanyang mga empleyado noong Disyembre 2016.

Samantala, si Pongan, Olfindo at Co ay nagbayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado gayundin ang multa mula  sa kanilang delinquency noong Enero 2017.

“Hindi sapat na sumunod sila sa batas pagkatapos na lumabag dito para bigyang-katwiran ang pag-atras ng kaso laban sa kanila.  Inuulit namin, oras na lumabag sa batas, kahit na inayos mo ito sa susunod na panahon, mapaparusahan pa din,” sabi ni Dooc.

Sa ilalim ng SS Act, ang compulsory coverage ng employers ay magsisimula sa unang araw ng operasyon ng negosyo. Kailangang ang  mga empleyado naman ay ireport sa SSS sa loob ng 30 araw mula sa unang araw ng pagta-trabaho. Sa kabilang dako naman, ang kontribusyon ay dapat bayaran buwan-buwan ng employer.

“Muli, nais naming paalalahanan ang mga employers na dapat ay sumunod sila sa kanilang obligasyon sa ilalim ng SS Law. Hindi kami matitinag at determinado kaming habulin ang mga abusadong employers na walang pakundangan sa paglabag sa batas kaya nasasakripisyo ang kapakanan ng aming mga miyembrong manggagawa,” sabi ni Dooc.

Sa ngayon, nakapagtala na ang SSS ng 45 employer convictions o hatol ng mga korte. May kabuuan itong makokolektang kontribusyon na nagkakahalaga ng P52.7 milyon.