Katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine National Police (PNP) inaresto ng Social Security System (SSS) ang isang doktor at isang may-ari ng paaralan na lumabag sa Republic Act 8282 o Social Security Act of 1997.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc masaya ang ahensya na naging daan ang Operation Tokhang sa pagkakaaresto kay Dr. Realiza G. Henson, Board of Director ng Stream Publishing Corporation; at Erlinda N. Binanitan, may-ari ng Skill Power Institute (SPI).
“Ikinalulugod namin ang balitang ito dahil sa tulong ng PNP-CIDG ay naaresto ang dalawang delingkwenteng employers. Ginagawa ng SSS ang lahat upang hulihin ang mga delingkwenteng employers. Makailang ulit na kaming nagbigay ng babala at gagamitin namin ang lakas ng batas para masigurong maibigay sa mga miyembro ang nararapat para sa kanila,” sabi ni Dooc.
Sa ngayon, umaabot sa P6 milyon ang obligasyon ng Silver Stream Publishing Corporation sa SSS mula sa hindi binayarang kontribusyon pati mga multa.
Inihain ang warrant of arrest kay Henson sa kanyang klinika sa isang pribadong ospital sa Quezon City kung saan siya ay nagta-trabaho.
“Dahil sa pagkakaaresto kay Henson, maaaring matuloy ang kaso laban sa kanya. Kasabay nito ay humihingi pa din kami ng tulong sa publiko na bigyan kami ng impormasyon tungkol kay Ma. Antonietta Henson na nagtago mula ng maisampa ang kaso laban sa kanya,” sabi ni Dooc.
Sa kabilang dako naman, naaresto si Binanitan habang nasa kanyang opisina sa SPI sa North Ave. Agham Road. Base sa rekords, siya ay delingkwente sa pagbabayad ng kontribusyon ng kanyang mga empleyado mula Nobyembre 2010 hanggang Hunyo 2011.
Gayundin, umaabot na sa P500,000 ang hindi nabayarang kontribusyon sa SSS kasama ang mga multa sa ngayon.
“Ang pagkaaresto kay Henson at Binanitan ay isang maliwanag na mensahe na walang sinuman ang mas mataas sa batas at kahit sino ay hahabulin ng SSS, maliit man o malaking kumpanya. Sisiguruhin ng SSS na ang mga karapatan ng bawat miyembro sa social security ay protektado,” sabi ni Dooc.
Maliban sa Operation Tokhang, sinimulan na din ng SSS ang Run After Contribution Evaders (RACE) campaign noong Abril 28 sa pamamagitan ng pagbisita sa mga tindahan sa Greenhills Shopping Center na napag-alamang hindi simusunod sa SS Law.
Pinangunahan ni Social Security Commission Chairman Dean Amado D. Valdez ang pagpaskil ng Show Cause Order ng RACE team sa mga tindahan bilang babala na hahabulin ng SSS ang mga employers na hindi tumutupad sa kanilang obligasyon sa SSS.
“Hindi kami matitinag at titigil hanggang lahat ng employers ay sumunod sa batas ng SSS. Muli, isa itong paalala sa mga delingkwenteng employers na magsimula na nilang gawin kung ano ang tama dahil kung hindi, mapapasama sila sa aming listahan ng Operation Tokhang at RACE campaign,” sabi ni Dooc.