Matagumpay ang isinagawang pag-uusap ng Social Security System (SSS) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos na sabihin ng NGCP na maghahanap na lang ng ibang lugar para sa konstruksyon ng kanilang substation maliban sa 6.5-ha na lupa ng pension fund.
Lubos naman ang pasasalamat si Social Security Commission (SSC) Chairman Amado D. Valdez sa naging magandang bunga ng pag-uusap sa pagitan ng SSS at ng NGCP. Sumang-ayon ang NGCP na hahanap na lang ng ibang  lugar para sa kanilang Pasay 230kV Substation Project.
Ilan sa mga tinitingnang alternatibong lupa ay ang Film Center Site, ilang bahagi ng isang lupa ng SM Investment na malapit sa lugar ng SSS, o di kaya ay gumawa  ng reclamation.
“Higit sa lahat, ating itinataguyod ang kapakanan ng ating mga miyembro at pensyonado sa SSS. Hangad lamang natin ang makabubuti para sa kanila at tinitiyak natin na ang kanilang mga karapatan ay protektado,” ani ni Valdez.
Kamakailan ay naghain ng petisyon ang SSS sa pangunguna ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) para kwestyunin ang batayan ng pagkuha ng lupa ng SSS na matatagpuan sa Diokno Ave in Pasay City.
Ang OGCC na itinalaga ng batas na abogado ng mga government-owned-and-controlled-corporations (GOCCS), ay naghain ng petisyon upang mapanatili ang status quo at ipatigil ang pagpapatupad sa utos ng mababang hukuman na umalis ang SSS sa lupain nito.
Ayon kay OGCC Head Atty. Rodulf Philip B. Jurado, malakas ang kaso ng SSS laban sa NGCP dahil ang ginamit na batayan sa pagkuha ng lupa ng SSS ay higit sa naibigay na awtorisasyon sa kanila upang ipatupad ang kanilang kapangyarihan ng eminent domain.
Layunin ng petisyon na kwestyunin ang awtoridad ng NGCP na kumuha ng lupa na pag-aari ng gobyerno na nakalaan para sa publiko dahil ang kanilang kapangyarihan ay limitado lamang sa mga pribadong lupain.
Ang pinagtatalunang lupa ng SSS ay matatagpuan sa Financial Center Area sa Diokno Ave sa Pasay City at nakalaan ito para sa itatayong SSS Corpotate Center of the South, na kalapit lamang ng opisina ng Government Services Insurance System (GSIS) at Senado.
“Upang makakuha sila (NGCP) ng lupa ng pamahalaan na nakalaan na para sa publiko, kinakailangan ng partikular na batas na magbibigay sa kanila ng kapangyarihan at walang ganitong iginawad na awtorisasyon sa NGCP” dagdag pa ni Valdez.