ISANG taon na ang nakalipas nang tumayo sa harapan ng kapatiran ng Knights of Columbus Council 10695 si Roel Delos Santos bilang bagong Grand Knight. hiningi nya ang suporta ng kanyang mga brother knights na harapin ang mga pagsubok at hamon na darating sa samahan. Hindi siya nabigo dahil lahat ng kanyang ninais, kasama ang buong konseho ay kanilang nakamtan at napagtagumpayan na mas lalong yumabong ang Council 10695. Kabilang na dito ang matagumpay na isang buwang pagrorosaryo, pagsuporta sa feeding program ng parokya, basketball program na nagpadagdag ng collection ng kanilang dues, outreach sa mga dumagat families, ultra sound sa 150 mga buntis na may kaloob na starter kit, walk for life na may 200 attendies at nagkaloob ng catholic scouting sa mga kabataan na may 30 squires. Ang lahat ng ito ay kabilang sa magagandang alaala na naipaabot ni PGK Roel sa kanyang valedictory address sa nakaraang turnover of leadership na may temang “Kapatiran Pang Simbahan” nuong Agosto 19, 2017 na idinaos sa Our Lady of Lourdes College (0LLC), Gen. T. de Leon, Valenzuela City.
Dagdag pasasalamat niya sa Panginoon sa napaka importanteng nakamit na parangal na Century Award at nasungkit ang 3 star Council Awards. Hindi naman nabigo si PGK Roel dahil sa pagkakaisa, sama-samang mithiin , mga suportang handog ng lahat at maging mga maybahay ng mga brother knights. Kung kaya sa kanyang pagtatapos sa gabing iyon, muli niyang hiningi sa buong konseho na suportahan ang bagong Grand Knight sa katauhan ni Aquilino Viernes. Kalakip ang tiwala sa kakayanan nito na muli at mas lalo pang yayabong at magtatagumpay ang Council 10695.
Puno naman ng pag-asa ang hatid na mensahe ng bagong mamumuno sa konseho na si GK Jun Viernes at nagpasalamat sa dakilang Ama sa patuloy na pag gabay nito sa kanya. Pinasalamatan din nito ang lahat ng kasapi sa pagkakaloob ng tiwala sa kanya upang pamunuan ang konseho. Siniguro din nito na gagawin niya ng tapat ang lahat para maging karapat-dapat sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang Grand Knight.
Bago pa man maganap ang pag salin ng tungkulin sa OLLC, isang Banal na Misa ang idinaos sa simbahan ng Parish of the Holy Cross na pinamunuan ni Rev. Fr. Danilo C. Bermudo , Parish Priest/Chaplain. Kasunod ang Installation Rites of Elected Officers and Oath Taking Ceremony ng mga itinalagang mga opisyales habang ang Entrance of Colors ay pinangunahan ng Assembly Honor Guards. Ang nagtalaga sa mga officers ay si SK Jesus P. Cui PGK District Deputy District M31 na inasistehan ni SK Aniceto R. Liwanag PGK FDD District Warden. Si SK Cesar S. Divinagracia PFN PGK ang nagpakilala kay SK Joven P. Dy Luzon North State Treasurer bilang panauhing tagapagsalita ng gabing iyon. Mahalagang partisipasyon din ang dulot nila SK Nazareno C. Cunanan , mensaheng hatid ni SK Enrico C. Demetillo, Deputy Grand Knights at SK Rodel U. Antonio bilang master of ceremony.
Hindi matatawaran ang kasiyahan ng lahat ng mga pinagkalooban ng parangal lalo na ang pag suporta ng Knights Ladies. Binigyang parangal din ang mga natatanging opisyales, kasapi at maging ang mga huwarang pamilya ng taon. Malugod na pinasalamatan ng konseho ang lahat ng sumuporta sa nasabing okasyon, partikular na pinasalamatan ng grupo sina: Sir Knights Zell dela Cruz , Congressman Eric Martinez at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian. Ganuon din sa mga larawang kuha, hatid nila Brother Knights Mel Espiritu, Mr. Butz Fuentes at Sir Knights Ernesto Herrera.