Muling nagsagawa ng pag atake ang programa ng SSS nA Run After Contribution Evaders (RACE) sa mahigit 450 na tindahan sa Farmers Plaza Mall sa Quezon City.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, mahigit sa kalahati ng 454 tindahan sa loob ng mall ay hindi sumusunod sa Republic Act 8282 o Social Security Law of 1997.
“Mula sa lahat ng naitalang retail stores dito, 70 ay nabibilang sa superbisyon ng ating Large Accounts Division samantalang ang natitirang 384 naman ay pinamamahalaan ng branch operations. Sa mga tindahang ito na pinangangasiwaan ng Cubao branch, 260 ang hindi rehistrado sa SSS,” ani ni Dooc.
Batay sa datos, 73 retail stores ang regular na nagbabayad ng kanilang obligasyon sa SSS para sa kanilang mga empleyado, 37 ang laktaw-laktaw ang pagbabayad, 8 ang hindi nagbabayad, 29 ang hindi rehistrado, 6 ang walang empleyado at ang natitirang 231 ay tumangging makapanayam ng mga SSS field officers.
Ayon kay Dooc, ang mga establisyimento na tumangging makapanayam ng SSS, mga hindi nagbabayad, at mga hindi rehistrado ay binigyan ng sulat upang ipaalala ang kanilang mga obligasyon na bayaran ang buwanang kontribusyon sa SSS ng kanilang mga empleyado.
Ayon naman kay Social Security Commission (SSC) Chairman Amado D. Valdez, ang isinagawang RACE sa Farmers Plaza ay patunay lamang na hindi natutulog ang SSS sa mithiin nitong mapanagot ang mga delingkwenteng employers upang maibigay ang nararapat na benepisyo ng social security protection sa mga manggagawa.
“Kung inyong matatandaan, ito na ang pangalawa nating RACE matapos ang isinagawang operasyon sa Grenhills Shopping Center noong nakaraang Abril. Sana’y magsilbi itong paalaala sa mga employers na maging responsable sa kanilang mga obligasyon sa ilalim ng SS Law. Hahanapin at ipakukulong natin sila hanggang sa maibigay nila ang nararapat na benepisyo para sa kanilang mga emepleyado,” sabi ni Valdez.
Inihain ni Dooc at Valdez ang Show Cause Orders sa AGM Apoyon General Merchandise, Handtag Apparel Shop, HHMJ Fashion Collection and Rumble @Tum’s café nang isagawa ang operasyon sa Quezon City dahil sa hindi pagpaparehistro ng kanilang mg empleyado kahit na nakatanggap na ng demand letter mula sa SSS noon Hunyo 14.
Ipinaskil ang kopya ng show cause order sa mga tindahan upang magsilbing babala sa mga employers na sila ay pananagutin sa batas kung hindi sila sumunod dito.
Mayroong 15 araw ang delinquent employers para magsumite ng show cause sa SSS mula sa araw na ipinaskil ito. Ibig sabihin, kailangan silang magpaliwanag sa pinakamalapit na SSS branch office kung bakit hindi sila sasampahan ng kaso.
Nagbabala si Valdez sa lahat ng employers na maaari silang masentensyahan ng hanggang 12 taong pagkakakulong kapag hinatulan ng korte.
Pinasalamatan din ni Valdez ang Farmers Plaza Mall management sa tulong nito na masigurong sumusunod sa batas ng SSS ang mga tenants sa kanilang mall. Ang Farmers Plaza Mall ay 100 percent compliant sa SS Law.
Bilang suporta sa RACE campaign at proteksyon sa mga SSS member, naglagay din ng information booth ang SSS sa Farmers Plaza. Kasama sa mga serbisyo sa booth ay pagkuha ng SS number, online verification of contributions and loans, pagsagot sa mga tanong sa benepisyo at pribelihiyo, at namigay din ito ng mga information materials. Napagsilbihan ng SSS information booth ang 251 katao sa ginanap ang RACE campaign.