Ipinapatupad ngayon ng Social Security System (SSS) ang pambansang kampanya laban sa mga delingkwenteng employers sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ikalawang bugso ng Run After Contribution Evaders (RACE). Muling sinimulan ang kampanya sa Binondo Maynila, Cabanatuan City sa Nueva Ecija, Dumaguete City sa Negros Oriental, at sa Iligan City noong 27 Hunyo.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio, 53 establisemyento ang binisita ng RACE Team at pinaskilan ng Show Cause Order upang ipaalala sa kanila ang mga obligasyon nila sa ilalim ng Batas Republika 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Mula sa 53 delingkwenteng establisemyento, 14 dito ay mula sa Binondo sa Lungsod ng Maynila, 13 mula sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija, 11 mula sa Lungsod ng Dumaguete sa Negros Oriental, at 15 naman ang mula sa Lungsod ng Iligan. Inaasahan na P4.12 milyon na halaga ng hindi nabayarang kontribusyon ang makokolekta ng mga sangay ng SSS na nakakasakop sa mga lugar na nabanggit.
Binisita ng RACE Team sa Binondo ang 14 na establisemyento dahil sa hindi inirehistro sa SSS ang kanilang negosyo habang ang 13 establisemyento naman ang binisita sa Cabanatuan dahil sa hindi nirehistro sa SSS ang kanilang negosyo, hindi pagbibigay ng talaan ng mga empleyado, at hindi pagbabayad ng kontribusyon sa SSS.
Sa Dumaguete, 11 establisemyento ang pinaskilan ng Show Cause Order ng RACE Team dahil sa hindi pagbabayad ng kontribusyon at hindi tamang pag-uulat ng kanilang mga empleyado sa SSS. Inaasahan na makakakolekta ang SSS Dumaguete ng aabot sa P1.70 milyong halaga ng hindi nabayarang kontribusyon.
Sa Iligan, pinaskilan din ng parehong abiso ang anim na establisiemento dahil sa hindi tamang pag-uulat ng kanilang mga empleyado sa SSS, isa sa kanila ay hindi nagparehistro ng negosyo sa SSS, at walo naman sa kanila ang hindi nagbayad ng kontribusyon sa SSS na nagkakahalaga ng P2.42 milyon.
“Inaasahan namin na dahil sa pagsasagawa ng magkasunod na RACE Campaign sa buong bansa mas lalong napataas ang kamalayan ng mga employer sa pagtalima sa Social Security Law,” sabi ni Ignacio.
Lahat ng employers na sumailalim sa RACE operation ay kinakailangang tumugon sa Show Cause Order sa loob ng 15 araw mula sa pagkakapaskil ng abiso upang maiwasan na sila ay makasuhan.
“Maiwasan ng mga employer na mapabilang sa mga establisemyentong sumasailalim sa Run After Contribution Evaders Campaign sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa pinakamalapit na sangay ng SSS upang tumalima sa batas. Sa kasalukuyan, mayroon kaming ipinatutupad na Contribution Penalty Condonation program kung saan maaari nilang bayaran ang mga hindi naihulog na kontribusyon ng hindi papatawan ng anumang multa,” sabi ni Ignacio.
“Hinihimok namin ang mga employer na mag-aplay sa nasabing program at bayaran ang anumang obligasyon nila sa SSS. Tatakbo lamang ang programa hanggang Setyembre 1 ngayong taon. Ito ay magandang pagkakataon upang linisin nila ang kanilang rekord sa SSS at bayaran ang kanilang mga obligasyon ng walang multa,” dagdag nito.
Ito na ang ikalawang beses na isinagawa ng ahensya ang magkakasabay na RACE Campaign sa buong bansa.Una ng ipinatupad ang RACE Campaign sa Lungsod ng Mandaluyong, Lungsod ng San Fernando sa Pampanga, Lungsod ng Mandaue sa Cebu at Lungsod ng Dipolog sa Zamboanga del Norte noong Hunyo 14, 2019.