Ni: Precy F. Lazaro)

image

MALUGOD na ipinakilala ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato de la Peña sa madla ang hinirang na kaunaunahang brand ambassador ng ahensiya na si Chris Tiu, retiradong sikat na basketbolista sa pagbubukas ng National Science Technology Week 2019 (Hulyo 17-21 2019) na ginanap sa World Trade Center. Ayon kay Sec de la Peña, ang bagong estratehiya ng kagawaran ay upang gawing mas mataas pa ang kamalayan ng publiko sa larangan ng siyensya at teknolohiya. Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaroon ng brand ambassador ang DOST na pinili sa mahabang listahan ng mga local celebrities. Sabi pa ng kalihim, nagsagawa sila ng siyentipikong pag-aaral kung sino ang karapat-dapat na hirangin bilang first brand ambassador.

Sa mensahe ni Chris Tiu, inanyayahan nito ang lahat na maki-isa sa DOST sa paghahatid ng siyensya sa mga komunidad sa lahat ng panig ng bansa. Binigyang diin ng dating PBA superstar ang mahalagang papel ng siyensya para matamo ng mga pilipino ang mas magandang buhay sa hinaharap. Tiniyak din nito ang kanyang dedikasyon bilang brand ambassador ng DOST. Sinabi pa nito, na tama ang pasya ng ahensya na piliin siya bilang katuwang sa adbokasiya na ipalaganap ang siyensya at teknolohiya lalo na sa mga kabataan.

Nagretiro si Tiu sa pagiging propesyonal na manlalaro noong nakaraang taon para mag-pokus sa pamilya at pagpapatakbo ng kanilang negosyo . Kasalukuyang may programa si Tiu sa telebisyon na kung saan itinatampok ang mga eksperimento na nagmumukhang magic at saka niya ipinaliliwanag ang mga konseptong pang-agham sa eksperimento. Layunin aniya ng kanyang TV program na gawing nakakatuwa ang siyensya para mag-enjoy itong panoorin at pag-aralan ng mga bata.

Ayon kay Tiu, ang kanyang negosyo ay may kinalaman sa agham, gaya ng renewable energy at aquaculture na kung saan nagdedevelop sila ng mini hydro-power plants sa mga ilog. Mayroon rin siyang resort na ang isinusulong ang sustainable tourism sa pamamagitan ng pagtatanim ng corals. Sinabi pa nito, na masaya siya at ikinararangal niya na mapili mula sa mahabang listahan at umaasang magampanan niya ng maayos ang kanyang papel bilang DOST brand ambassador.

Samantala, sinabi ni DOST Science and Technology Information Institute Director Richard Burgos na batay sa Social Weather Stations survey noong 2017, ang national awareness level sa siyensya ay anim na porsyento lamang. Paliwanag ni Director Burgos, sa isang kuwartong puno ng isang daang katao, anim lamang aniya sa mga naroon ang nakarinig o natuto tungkol sa siyensya at teknolohiya. Gayun pa man, noong 2018 ay tumaas sa labing tatlong porsyento ang kamalayan ng madla sa siyensya o higit sa dobleng pagtaas bunga ng mga inilunsad na bagong progama na pinagkaabalahan ng kanilang ahensya. Marso ng taong kasalukuyan, nagtala ang parehong survey ng labing limang porsyentong awareness level.

 Pinuri ni Burgos si Tiu at naniniwala ito na malaki ang magagawa ni Chris Tiu bilang brand ambassador upang lalong paigtingin ang kamalayan ng publiko sa larangan ng siyensya at teknolohiya.

Pinasalamatan din ni Burgos ang mga media partners sa tatlong taong pakikibahagi sa programa ng DOST at hinikayat niya ang mga ito na patuloy na makipagtulungan sa ahensya para isulong ang agham at teknolohiya sa bansa.

Kinilala rin ni Chris Tiu at pinuri ang mahalagang papel na ginagampanan ng media sa pagpapalaganap ng kaalaman hingil sa siyensya at pagpapakilala sa iba’t ibang programa ng DOST sa publiko.


image

image

image

image