Usong-uso ngayon ang pagtatanim at pagkain ng mga organikong gulay o iyong mga gulay na hindi ginamitan ng anumang artipisyal na kemikal. Ito ay sa kadahilanang parami na rin nang parami ang mga taong maingat o conscious sa kanilang kalusugan.
Dahil dito, hindi na lamang dami ng gulay ang tinitingnan ng mga mamimili kundi maging ang kalidad ng mga gulay. Metikuloso na rin ang mga mamimili kung ligtas bang kainin at kung wala o kakaunti ang makikitang sira sa mga gulay na kanilang binibili.
Subalit hindi lamang sa mga mamimili mahalaga ang kalidad ng mga pananim na gulay sapagkat dito rin nakasalalay kung maibebenta ba ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mataas na halaga.
Kaugnay nito, isang grupo ng mga mananaliksik mula sa Cebu Technological University – Barili Campus ang nagsagawa ng pag-aaral sa paggamit ng entomopathogenic nematodes o E-P-N upang matulungan ang mga magsasaka. Ang E-P-N ay isang uri ng microorganism na natural na nakikita sa lupa na sumusugpo sa mga insektong namemeste sa mga tanim na gulay.
Marami ng grupo ang interesado sa pag-aaral ng E-P-N dahil mabisa itong solusyon sa mga peste at hindi nakasisira sa kapaligiran.
Sa katunayan, ang paggamit ng E-P-N ay nagresulta sa limampung porsyentong mas mababang pinsala sa mga dahon na nagdulot ng mas malinis at mas kakaunting butas sa mga dahon ng mga gulay.
Ito rin ang naging sagot upang maibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mas mataas na halaga.