Hindi muna papayagan ang lahat ng mga sinehan at amusement arcades na magbukas matapos na muling magkasundo ang mga Metro Manila mayors dahil sa banta pa rin ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, nagkaroon ng one policy, one voice ang mga alkalde na kung saan nagkasundo sila na temporary i-suspend muna ang operasyon ng mga sinehan, maging ang lahat ng arcades.

Layunin nito na mapangalagaan ang lahat lalo na sa pagdating ng bagong kaso ng coronavirus disease na kung saan biglang tumaas ang kaso ng Covid-19 sa loob lamang ng dalawang linggo.

“Sa totoo lang, ang quarantine area namin ngayon sa Oplan Kalinga ng Department of Tourism at MMDA, the ones in charge of quarantine hotels, halos 89 percent puno na,” paliwanag ni Abalos.

Kaya naman kailangan talagang mahigpit pa ring ipatupad ang health protocols.

“Dapat talaga may mga safety officers na palaging umiikot to make sure na talagang lahat naka-mask at ’yung social distancing,” giit pa ni Abalos.

Nilinaw naman ni Dr. Rontgene Solante, infectious diseases specialist, hindi rin tugma na kalahati lamang ng kapasidad ng sinehan ay bubuksan para lamang maipagpatuloy ang operasyon dahil magkakaroon pa rin ng COVID-19 transmission.

” ‘Pag nanood ka ng sine, nakikipag-usap ka, kumakain ka. Minsan sumisigaw ka kasi maganda ‘yung palabas. So alone are modes of expelling out the droplet or more aerosolization in that particular environment,” ayon kay Solante.

Sinabi nito na may risk pa rin sa loob at labas ng sinehan kaya dapat lamang na wala munang magbubukas na sinehan at amusement o arcade centers dahil wala rin namang bata na maglalaro ng arcades at ipinagbabawal ang siksikan na posibleng magkaroon ng hawaan.

Una nang inanunsyo ng Film Development Council of the Philippines na magbabalik operasyon na ang mga sinehan matapos na payagan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga sinehan na magbukas sa ilalim ng MGCQ areas na kung saan 50% capacity lamang ang maaaring makapasok subalit na-hold ang pagbubukas nito. LOUIS TANES