Tatlumpu’t walong (38) agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa Barangay Pangolingan sa bayan ng Palauig ang nakatanggap ng kanilang certificates of land ownership award (CLOAs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), sa pangunguna ni Provincial Agrarian Reform Program Officer Emmanuel G. Aguinaldo.
Sa isang simpleng seremonya, sinabi ni Aguinaldo na ang DAR, ay may mandato mula sa pamahalaan na ipamahagi ang mga lupa sa mga walang lupang magsasaka at magbigay ng mga serbisyong pangsuporta sa mga ito para matiyak ang kanilang buhay pang-ekonomiya. Ang ipinamahaging CLOA ay sumasaklaw sa kabuuang 38 ektarya ng mga lupang agrikultural sa bayan ng Palauig .
“Pagyamanin po ninyo ang mga lupaing ito at huwag ibenta dahil labag ito sa batas, maaari itong bawiin ng gobyerno at ibigay sa mga mas kwalipikadong indibidwal,” ani Aguinaldo.
Ang lupa ay iginawad sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program, isang katarungang panlipunang na programa ng pamahalaan upang ipamahagi ang pribado at pampublikong lupang pang agrikultura para isulong ang pang-ekonomiya ng maliliit na magsasaka.
Hinikayat ni Aguinaldo ang mga magsasaka na sumali sa kooperatiba upang makakuha ng suportang serbisyo mula sa pamahalaan.
“Hinihikayat ko kayong lahat na sumali sa isang kooperatiba upang lubos na tamasahin ang lahat ng inaalok ng pamahalaan. Ang mga suportang serbisyo ay ibinibigay sa pamamagitan ng mga kooperatiba at hindi sa mga indibidwal. Maraming mga proyekto at programa sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Kalihim Conrado Estrella III tulad ng probisyon para sa mga pautang, irigasyon, kagamitan sa bukid, medikal, at suportang pang-edukasyon para sa inyong lahat,” dagdag pa ni Aguinaldo.