image

Sinampahan ng patong –patong na kaso ng Task Force Kasanag (TFK) ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa pangunguna ni Bonuan at ang mga regional directors nito sa Office of the Ombudsman kaugnay ng maanomalyang transaksyon at korapsyon sa ahensya.

Sa ginanap na press Conference nitong nakaraang July 21, 2023, inihayag ni TFK chairman at president John J. Chiong na sinampahan  nila ng pormal na reklamo si DPWH Secretary Manuel M. Bonuan at lahat ng regional directors ng DPWH dahil sa paglabag sa Republic Act No. 3019, o mas kilala sa “Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at pagpapabaya sa kanilang trabaho o neglect of duty.

Ayon kay Chiong, may mga sumbong silang natatanggap at mga liham na nagsasaad sa ma-anomalyang bidding sa mga proyekto ng DPWH. Sinabi pa nito na nakakatanggap din sila ng maraming reklamo laban sa DPWH regional directors na nagpapakita ng hindi tamang pagkuha sa kanilang mga napiling kontraktor, na di umano mga kaibigan,  malapit na kamag anak, o di kaya kakilala ng mga regional directors.

Ito umano ay paglabag sa probisyon ng Republic Act 9184, o mas kilala sa “Government Procurement Reform Act”, o pagsasamantala sa proseso ng bidding, paglabag sa equal opportunity at competition sa pagitan ng mga kontraktor na nakikipag bidding  para sa mga proyekto.

Ayon pa kay Chiong, ang proyektong Slope Protection ng DPWH ay ginagamitan ng mga sub-standard na bakal o unpatented, hindi kilala o pekeng materyales. Ito umano ay paglabag sa DPWH Department Order No. 32 Series of 2019.

Sinabi pa ni Chiong, na ang naka-pwesto sa DPWH Region I na si Regional Director Ronnel Tan ay “overstaying” na sa kanyang posisyon. Si Tan umano ay nakapuwesto noon pang 2016, at hanggang sa ngayon ito ay nakaupo pa rin sa posisyon. Ang pananatili umano sa posisyon ng matagal na panahon ay paglabag sa termino ng isang regional director na dapat napalitan na noon pa.

image