Bumisita sina Unang Ginang Louise “Liza” Araneta Marcos at dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos sa Shoe Museum sa Marikina para sa muling pagbubukas nito. Sila ang naging panauhing pandangal sa naturang okasyon.
Ang muling pagbubukas ng museo ay nagsimula sa isang ribbon-cutting ceremony na dinaluhan din nina Special Envoy to the United Arab Emirates Kat Pimentel, Congresswoman Maan Teodoro, at Mayor Marcy Teodoro.
Pagkatapos ng seremonya, nilibot ng mga panauhin ang bagong ayos na Shoe Museum. Tampok dito ang 800 pares ng sapatos ni Former First Lady Imelda Marcos, mga sapatos ng mga dating pangulo, senador, miyembro ng gabinete, at mga naging mayor ng Marikina, pati na rin ng ibang kilalang personalidad. Ipinakita rin ang Foot Scanner Technology na sumusukat nang eksakto sa paa ng isang tao para sa paggawa ng sapatos.
Bumisita rin ang mga panauhin sa shoe exhibit ng 15 shoe manufacturers sa kalapit na Shoe Museum Park.
Dumalo rin sina Vice Mayor Marion Andres, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, Special Envoy to China for Trade, Investment & Tourism Benny Techico, Philippine Footwear Federation Inc. sa pangunguna ni G. Antonio Andres, Sr., Philippine Chamber of Commerce and Industry – Marikina, at mga lokal na tagagawa at designer ng sapatos.
Ayon kay Mayor Marcy, layunin ng rehabilitasyon na ito na mapabuti ang karanasan ng mga bisita at matiyak na mapanatili ang mahahalagang artepakto para sa mga susunod na henerasyon.
Binigyang-diin pa ng Alkalde ang kahalagahan ng pagpreserba sa mga pamanang kultural tulad ng Marikina Shoe Museum. “Ang museo na ito ay hindi lamang imbakan ng mga sapatos; ito ay patunay ng sining at kasanayan ng mga Pilipino,” aniya. “Ito ay simbolo ng ating mayamang kasaysayan at patuloy na paglalakbay bilang isang bansa.”