Tiniyak ni Curlee Discaya, presidente ng St. Gerrard Construction, na hindi lalahok ang kanyang kumpanya sa anumang proyekto ng pamahalaang lungsod ng Pasig kung mananalo ang kanyang asawang si Sarah Discaya bilang alkalde sa halalan.
Ayon kay Discaya, bawal sa batas (RA 9184) ang mga kamag-anak ng opisyal ng gobyerno na sumali sa bidding ng proyekto. “Kahit sumali ka lang sa bidding, puwede ka nang makulong ng anim na taon. Talagang bawal,” ani Discaya.
Dagdag pa niya, kahit subsidiary ng kanilang kumpanya ay hindi rin papayagang sumali. “Kung kontratista ka at asawa mo ang mayor, paano mo paparusahan ang sarili mo?” aniya.
Bagamat sanay sa malalaking proyekto, mas pipiliin daw ng St. Gerrard na iwan ang mga proyekto sa maliliit na kontratista sa Pasig para mabigyan sila ng trabaho. “Kung patas ang bidding at maayos ang presyo, sila ang mananalo. Lahat ay makikinabang,” sabi ni Discaya.
Ibinunyag ni Discaya na ang bagong gusali ng Pasig City Hall ay sobra ang gastos. Ayon sa kanya, mula sa orihinal na ₱9.2 bilyon, maaari itong gawin sa ₱3.5 bilyon lamang. Ang matitipid na ₱5.7 bilyon ay puwedeng gamitin sa mga bagong paaralan, ospital, at pabahay.
Aniya, kaya na ang isang at kaya ring magpatayo ng mga bagong paaralan at isang unibersidad para sa 25,000 estudyante.
Dagdag pa ni Discaya, ang pagpapabuwag sa lumang city hall ay hindi dapat umabot sa ₱855 milyon, kundi ₱250 milyon lang. “Mas makakatipid pa kung kontratista ang magbabayad sa lungsod kapalit ng mga materyales,” aniya.
Iminungkahi niyang itayo ang gusali sa halagang ₱60,000 bawat metro kuwadrado para mas makatipid ang lungsod.