LUNGSOD NG MANDALUYONG — Muling pinatunayan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang dedikasyon nito sa mahusay na serbisyo publiko matapos nitong muling makuha ang ISO 9001:2015 Quality Management System (QMS) recertification noong Hunyo 9, 2025.
Sakop ng pagkilalang ito ang mga pangunahing gawain ng ahensya tulad ng gaming operations (palaro), pagproseso ng claims ng panalo, at iba pang support services.
Pormal na isinagawa ang pagbibigay ng sertipikasyon sa PCSO Main Office sa Mandaluyong. Ipinagkaloob ito ni Romeo Zamora, Managing Director ng DQS Certification Philippines Inc., at tinanggap naman nina PCSO Chairperson Judge (Ret.) Felix Reyes, General Manager Melquiades Robles, Board Members Jennifer Guevara, Janet Mercado, at Imelda Papin, kasama ang Assistant General Managers na sina Atty. Lauro Patiag, Arnel Casas, Julieta Aseo, at Atty. Lyssa Grace Pagano.
Ito na ang ikatlong sunod na pagkakataon na muling nakakuha ng ISO recertification ang PCSO—patunay ng patuloy nilang pagsisikap para sa mahusay na serbisyo, maayos na operasyon, tuloy-tuloy na pagpapabuti, at mabuting pamamahala para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Ayon kay GM Robles, “Kami ay lubos na nagpapasalamat sa pagkilalang ito. Isa itong patunay ng aming layunin na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan sa lahat ng aming gawain. Higit pa sa sertipikasyon, ito ay pagkilala sa sipag, dedikasyon, at katapatan ng bawat empleyado ng PCSO.”
Ang ISO 9001:2015 ay isang pandaigdigang pamantayan na nagsisiguro na ang sistema ng pamamahala ng kalidad ng isang organisasyon ay alinsunod sa pinakamahusay na international practices.
Para sa PCSO, ang tagumpay na ito ay nagpapalakas pa sa kanilang layunin na magbigay ng maaasahang serbisyo sa gaming habang sinisigurado na ang bawat pisong taya ay napupunta sa mga makabuluhang programang pantulong sa mamamayan.