Kasabay sa pagdiriwang ng 2024 National Women’s Month o Araw ng Kababaihan ngayong buwan ng Marso na mula 1-31, 2024, ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ay nagpahayag ng kanilang pakikiisa sa nasabing pagdiriwang. Ito ay may temang: LIPUNANG PATAS SA BAGONG PILIPINAS: Kakayahan ng kababaihan , Patutunayan!
Samantala, nagkaisa ang mayorya ng Lupong Tagapagpaganap ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na sina Kom. Benjamin M. Mendillo Jr., Kom. Carmelita C. Abdurahman, at Direktor Heneral Atty. Marites A. Barrios-Taran na dapat tutulan ang panukalang House Bill No. 9939 ng 19th Congress (Prohibiting Filipino Dubbing of English-Language Motion Pictures and Television Programs, Requiring Audiovisual Production, Broadcasting, Film Distribution or Streaming Services to Provide Filipino Subtitles therein, and for Other Purposes) ni Negros Occidental 3rd district Rep. Jose Francisco “Kiko” Benitez.
Ayon sa tatlong tagapagpaganap ng KWF, hindi kailanman batayan ang pagsasaalang-alang sa kakayahan nating gumamit ng banyagang wika upang isakripisyo ang sarili nating wika para lamang umangat ang ating puntos sa pamatanyang global. habang gutom at kumakalam ang sikmura ng maraming mamamayang Pilipino at mawala ang ating sariling wika na pundasyon ng ating kasarinlan at karunungan! Ang pag-ban sa pagsasa-Filipino sa mga pelikula ay paniniil sa karapatan ng bawat Pilipino na maunawaan ang kanilang pinanonood na pilikula. Dapat itong tutulan.
Ang KWF ay may mandato na itaguyod ang patuloy na pag-unlad at paggamit ng Filipino bílang Wikang Pambansa hábang pinapangalagaan ang mga wikang katutubo ng Pilipinas tungo sa pagkakaunawaan, pagkakaisa, at kaunlaran ng sambayanang Pilipino. (Raffy Rico)