image

Pasig City — Sa isang matagumpay na caucus night sa Brgy. Santolan, inilahad ni Mayoral Candidate Ate Sarah Discaya ang kanyang makabagong plano para sa kapakanan ng mga senior citizens ng Pasig. Sa gitna ng masigabong palakpakan ng mga taga-suporta, binigkas ni Discaya ang kanyang mensahe ng malasakit:

“Pag may pag-ibig, may paraan. At pag may malasakit, walang malayo, walang mahirap, walang imposible.”

Tampok sa kanyang plataporma ang programang “House-to-House, Puso sa Puso”, isang inisyatibang layong ihatid nang direkta sa mga tahanan ng mga lolo’t lola ang kanilang mga maintenance na gamot. Sa ilalim ng programang ito, hindi na kailangang pumila sa initan o ulan ang mga nakatatanda, at hindi na rin sila kailangang maghintay nang matagal upang matanggap ang kanilang pang-araw-araw na gamot.

“Panahon na para suklian ang habambuhay nilang pag-aaruga sa atin. Panahon na para ipadama natin sa kanila na mahalaga sila — hindi sila dapat nakakalimutan,” dagdag pa ni Ate Sarah.

Bukod sa serbisyong medikal, bahagi rin ng programa ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga Pasigueño riders na siyang magiging katuwang sa paghahatid ng mga gamot sa bahay-bahay. Mahigpit na mungkahi ni Discaya na taga-Pasig mismo ang mga kukuning riders, upang makapagbigay rin ito ng oportunidad sa lokal na manggagawa.

“Bawat gamot na ihahatid ay simbolo ng malasakit. Bawat pag-abot ay paalala na hindi kayo nag-iisa — kayo ay minamahal, pinahahalagahan, at hindi kailanman kalilimutan,” wika ni Ate Sarah sa kanyang talumpati.

Sa kanyang kandidatura, mariing binibigyang-diin ni Ate Sarah Discaya ang makataong pamamahala, kung saan ang malasakit ay hindi lamang salita kundi isang pangakong isinasabuhay.