MAYNILA, Pilipinas — Muling nanawagan ang mga tagapagtaguyod ng autism para sa agarang pagpasa ng National Autism Care, Support, and Inclusion Bill sa ika-20 Kongreso, kasabay ng paghikayat sa publiko na makiisa sa Angels Walk for Autism 2026.
Layunin ng panukalang batas na palakasin ang access sa serbisyo, tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta, at isulong ang panghabambuhay na inklusyon para sa mga Pilipinong nasa autism spectrum. Tinutugunan nito ang kakulangan sa edukasyon, kalusugan, trabaho, at suporta sa komunidad. Sa kasalukuyan, may mahigit 20 panukala ang nakabinbin sa Kamara.
Ayon kay Mona Magno-Veluz ng Autism Society Philippines (ASP), hindi lang pondo o gusali ang kailangan ng sektor kundi tuloy-tuloy at maayos na serbisyo. Binigyang-diin din niya na bagama’t tinatayang 1% ng populasyon ang nasa autism spectrum, mas marami ang naaapektuhan kung isasama ang kanilang mga pamilya. Aniya, kailangan na ng malinaw na plano at agarang aksyon mula sa pamahalaan.
Suportado ito ng iba’t ibang sektor, kabilang ang SM Cares. Ayon kay Engr. Junias Eusebio ng SM Supermalls, mahalagang palawakin ang inklusibong espasyo at oportunidad sa trabaho sa pakikipagtulungan ng gobyerno at pribadong sektor.
Para naman kay aktres at advocate na si Michelle Marquez Dee, mahalaga ang laban dahil personal ito sa kanya bilang kapatid ng isang nasa autism spectrum. Aniya, panahon na para alisin ang stigma at palakasin ang suporta. Ibinahagi rin ng autistic advocate na si Pia Cabanero ang mga hamon sa isang lipunang hindi pa ganap na inklusibo, ngunit nananatiling may pag-asa sa pagbabago.
Kasabay nito, inaasahang lalahukan ng mahigit 40,000 katao ang Angels Walk for Autism 2026 na may temang “Aumbitious Aarangkada Aangat.” Gaganapin ang pangunahing pagtitipon sa SM Mall of Asia Arena sa Abril 26, alas-7 ng umaga, kasama ang sabayang aktibidad sa 12 lungsod sa buong bansa.
Mula nang magsimula noong 2000, ang Angels Walk ay naging simbolo ng pagkakaisa at pag-asa para sa autism community. Ngunit ayon sa mga tagapagtaguyod, hindi sapat ang awareness—kailangan ng konkretong aksyon.
Sa huli, malinaw ang kanilang panawagan: ipasa na ang Autism Bill at isulong ang tunay na inklusyon para sa lahat.