Quezon City — Nagbabala ang mga health advocate sa lumalalang pinsala ng alak sa mga pamilyang Pilipino, kasabay ng paglulunsad ng kampanyang “Sinasaktan ng Alak ang Pamilya” at panawagan sa gobyerno na agarang kumilos.
Sa media launch noong Abril 24, ibinahagi ng mga eksperto at apektadong pamilya ang datos at mga totoong karanasan hinggil sa epekto ng alak—mula sa pagkasira ng pamilya at pagkawala ng kabuhayan hanggang sa malulubhang sakit.
Ayon kay Akbayan Rep. Dadah Ismula, maraming pamilya ang labis na naaapektuhan: may nawawalan ng mahal sa buhay, may nagugutom dahil nauubos ang kita sa pag-inom, at may nagkakasakit tulad ng kanser at sakit sa puso. Suportado niya ang panukalang pagtaas ng buwis sa alak upang mabawasan ang konsumo nito.
Dagdag ng ilang mambabatas, napatunayan na sa iba’t ibang bansa na ang mas mataas na buwis sa alak ay epektibong nakababawas sa pag-inom at sa mga kaugnay nitong pinsala.
Ibinahagi rin ang kaso ni Kingston Chen, na nasawi matapos mabangga ng isang lasing na driver sa Cebu—isang paalala sa panganib ng pag-inom at pagmamaneho, at sa pangangailangan ng mas mahigpit na regulasyon.
Samantala, ibinahagi ni Romeo Tancioco, isang stroke survivor, na inakala niyang ligtas ang pag-inom ng kaunti kada linggo. Ngunit kalaunan, nakaapekto ito sa kanyang kalusugan at muntik nang magdulot ng trahedya sa kanilang pamilya.
Ayon sa Philippine Medical Association, ang alak ay konektado sa mahigit 200 sakit at pinsala. Tinatayang 47 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil dito, at halos kalahati ng mga kasong ito ay may kinalaman sa liver cancer. Nauugnay rin ang alak sa mga kanser sa bituka, tiyan, suso, at obaryo.
Sa aspeto ng lipunan, 8 sa 10 Pilipino ang nagsasabing may kakilala silang napinsala ng alak, kung saan karaniwan ang mga kaso ng karahasan sa komunidad.
Iginiit ng mga advocate na magkakaugnay ang mga problemang ito, na lalo pang pinalalala ng murang presyo, madaling pagbili, at agresibong marketing ng alak—lalo na sa kabataan.
Ayon sa Sin Tax Coalition, sa ilang pagkakataon ay mas mura pa ang alak kaysa sa pangunahing pangangailangan, ngunit mas mabigat ang kapalit nito—kalusugan, kaligtasan, at kinabukasan ng pamilya.
Dahil dito, nananawagan ang koalisyon sa gobyerno na magpatupad ng mas mahigpit na polisiya, kabilang ang pagtaas ng buwis at pagpapatibay ng mga batas laban sa alak. Babala ng mga eksperto, kung hindi agad kikilos, patuloy na magdurusa ang mga pamilya at ang buong bansa.
“Kapag may nasasaktan dahil sa alak, pamilya ang unang naaapektuhan—lalo na ang mga bata at partner na naiwan,” ayon sa grupo. “Kaya kinakailangan na ang agarang at konkretong aksyon upang mapigilan ang patuloy na pinsala nito.”