CHR: Buong Katotohanan sa Negros Clash, Dapat Ilabas at Imbestigahan

Mariing nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Commission on Human Rights (CHR) sa armadong engkwentro noong Abril 19, 2026 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental na ikinasawi ng hindi bababa sa 19 katao, kabilang sina student leader Alyssa Alano at community journalist RJ Nichole Ledesma.

 

Agad na nagsagawa ng independiyenteng imbestigasyon ang CHR sa pamamagitan ng tanggapan nito sa Negros Island Region, katuwang ang mga human rights group, lokal na pamahalaan, at security forces. Tinutulungan din ang mga pamilya sa pagkuha ng mga labi sa Toboso at Escalante.

 

Iginiit ng CHR na kailangang linawin ang magkakaibang ulat sa pagkakakilanlan ng mga nasawi. Habang sinasabing miyembro ng armadong grupo ang mga ito ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), may mga ulat na ilan ay sibilyan lamang na gumagawa ng gawaing pangkomunidad. Binigyang-diin na kung may pagdududa, dapat ituring na sibilyan ang isang tao hanggang mapatunayan.

 

Sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL), obligadong pag-ibahin ang mandirigma at sibilyan. Ipinagbabawal ang walang pinipiling pag-atake, at dapat protektado ang mga sibilyan.

 

Anumang alegasyon ng ilegal na pagpatay o paglabag sa karapatang pantao ay dapat imbestigahan nang mabilis, patas, at malaya—at papanagutin ang may sala.

 

Nagbabala rin ang CHR sa epekto ng insidente, kung saan mahigit 100 pamilya ang napaulat na lumikas. Dapat tiyakin ng pamahalaan ang agarang tulong, proteksyon, at access sa pangunahing serbisyo ng mga apektado.

 

Nanawagan ang Komisyon sa lahat ng panig na makipagtulungan, pangalagaan ang ebidensya, at payagan ang malayang imbestigasyon. Binigyang-diin din na ang patuloy na armadong tunggalian—na ugat ang kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at isyu sa lupa—ay patuloy na kumikitil sa buhay, kaya’t kailangang tugunan upang makamit ang tunay na kapayapaan.

 

Hinimok ang publiko na manatiling mapanuri at makiisa sa paghahanap ng katotohanan, hustisya, at pananagutan.

Facebook Comments