Ipagkakaloob kina Lexter P. Jackson (Kategoryang Sekundarya) at Alex Handig (Kategoryang Tersiyarya) ang Unang Gantimpala sa kani-kanilang kategorya sa KWF Tulang Senyas 2026. Tatanggap sila ng PHP10,000 (net), plake, at medalya.
Pararangalan si Jackson para sa kaniyang tulang senyas na “Pitong Araw ng Paglikha,” habang si Handig naman ay kikilalanin para sa “Punò ng Búhay.”
Nakamit ni June Lorinser M. Mojica ang Ikalawang Gantimpala (Kategoryang Tersiyarya) para sa “Ang Nakatagong Pagdurusa ng Pagkawala ng Pandinig,” habang si Mharck Daniel C. Carreon ay nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa parehong kategorya para sa “Lakbay ng Lahi.”
Si Jackson ay kasalukuyang mag-aaral sa Junior High School ng Benilde Deaf School, De La Salle-College of Saint Benilde. Bukod sa pagtula, hilig niya ang photography at video editing, gayundin ang paglalaro ng chess, badminton, volleyball, at table tennis.
Samantala, si Handig ay kumukuha ng kursong Bachelor in Applied Deaf Studies major in Visual Multimedia Arts sa De La Salle-College of Saint Benilde. Isa rin siyang aktibong Deaf student-leader at advocate, na may kasanayan sa Photoshop, Adobe Illustrator, Canva, at photography. Isa rin siyang FSL signer.
Ang Timpalak sa Tulang Senyas ang kauna-unahang patimpalak sa pagtula gamit ang pasenyas na paraan. Itinatag ito ng KWF upang palaganapin ang Filipino Sign Language (FSL), isulong ang Filipino Deaf culture sa pamamagitan ng panitikan, at kilalanin ang husay at ambag ng mga Deaf sa panulaang Filipino.
Gaganapin ang KWF Araw ng Parangal 2026 sa Abril 29, 2026.