MRT-7, NSCR at SLEX-TR4, Magpapabilis sa Biyahe ng Milyun-milyong Pilipino

758328562_844918718559285_7509927812163727351_n.jfif

Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang mahahalagang imprastraktura sa sektor ng transportasyon na inaasahang magpapabilis at magpapagaan sa paglalakbay ng milyun-milyong Pilipino sa mga susunod na taon.

Ayon sa Pangulo, nakatakdang buksan sa susunod na taon ang unang 12 istasyon ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) mula Sacred Heart hanggang North EDSA sa Quezon City. Kapag tuluyang umabot ang operasyon nito hanggang San Jose del Monte, Bulacan, inaasahang makapagseserbisyo ito sa halos isang milyong pasahero bawat araw.

Inanunsyo rin ng Pangulo na magiging operational na sa susunod na taon ang bahagi ng North-South Commuter Railway (NSCR) mula Valenzuela hanggang Malolos. Target din ng Department of Transportation (DOTr) na matapos ang linya hanggang Clark, Pampanga bago matapos ang administrasyong Marcos. Sa oras na makumpleto ang buong NSCR, inaasahang makapagseserbisyo ito sa humigit-kumulang 800,000 pasahero kada araw at magpapababa ng oras ng biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna sa dalawang oras na lamang mula sa kasalukuyang apat na oras.

Bukod sa mga proyektong riles, inanunsyo rin ng Pangulo na matatapos bago matapos ang 2026 ang bahagi ng South Luzon Expressway-Toll Road 4 (SLEX-TR4) mula Santo Tomas City, Batangas hanggang Tiaong, Quezon. Kapag nagamit na ang Package A hanggang Package C ng proyekto, mababawasan ang oras ng biyahe ng mga motorista sa humigit-kumulang 30 minuto mula sa kasalukuyang dalawang oras, na inaasahang pakikinabangan ng halos 17,000 motorista araw-araw.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang mga proyektong ito ay bahagi ng patuloy na pagpapalawak at pagpapahusay ng transportasyon sa bansa upang mapabilis ang paglalakbay, mapalakas ang ekonomiya, at mapabuti ang serbisyo para sa publiko.

ffe100d4-14df-458c-9e18-13a6e9ec481e.jfif

8381c506-131d-4fe0-a538-6aba753e6b27.jfif

 

 

Facebook Comments