MANILA — Hindi agad naging isang buwang pagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa. Nagsimula ito bilang isang linggong paggunita na kalaunan ay naging mahalagang bahagi ng pagtataguyod at pagpapaunlad ng wikang Filipino.
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1946, nagsagawa ang pamahalaan ng mga hakbang upang higit na mapaunlad ang paggamit ng Wikang Pambansa. Kabilang dito ang paghirang sa Linggo ng Wikang Pambansa sa bisa ng Proklamasyon Blg. 35 ni Pangulong Sergio Osmeña.
Sa ilalim ng proklamasyon, pitong araw bago ang Abril 2—kaarawan ng pambansang makatang si Francisco “Balagtas” Baltazar, tanyag sa akdang Florante at Laura—ipinagdiriwang ang Wikang Pambansa. Layunin nitong pagkaisahin ang iba’t ibang sektor ng bansa sa pamamagitan ng mga gawaing nagsusulong sa pag-unlad ng wika.
Noong 1955, inilipat ni Pangulong Ramon Magsaysay, sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 186, ang pagdiriwang sa Agosto 13–19. Itinakda ang bagong petsa bilang pagkilala kay Pangulong Manuel L. Quezon, na isinilang noong Agosto 19 at kinikilalang “Ama ng Wikang Pambansa.”
Taóng 1997 ang huling pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa, na may temang “Wika ng Rebolusyon: Noon at Ngayon.” Ito ay bahagi ng paggunita sa ika-100 anibersaryo ng kamatayan ni Andres Bonifacio at sa nalalapit na sentenaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas.
Mula sa isang linggong paggunita, naging isang buwang selebrasyon ang Buwan ng Wika noong 1998 sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1041, na nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 1997.
Sa unang pagdiriwang nito, tampok ang mga programa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), kabilang ang pagbubukas ng programa sa PUP Manila, mga kolokyum at forum hinggil sa wika, paggunita sa pagkakatatag ng KWF, at seremonya ng paggawad bilang pangwakas na programa.
Ngayong Buwan ng Wikang Pambansa 2026, sa ika-28 taon ng Buwan ng Wika, binibigyang-diin naman ang epekto ng makabagong teknolohiya sa wika at pananaliksik sa ilalim ng temang:
“Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Ngayong Agosto, pangungunahan ng KWF, kasama ang mga katuwang na institusyon sa bansa, ang iba’t ibang programa at gawain para sa mas malawak na paggamit at pagpapaunlad ng wikang Filipino, kasabay ng pagsusulong ng responsable at makabuluhang paggamit ng artificial intelligence o AI.
Mula sa dating isang linggong kampanya, naging isang buwang pagdiriwang ang Buwan ng Wika—patunay ng patuloy na pag-unlad ng Filipino bilang isang buhay na Wikang Pambansa at mahalagang kasangkapan sa pagharap sa mga hamon ng kasalukuyan at paghubog sa kinabukasan.