MANILA — Agad na kumilos ang Philippine Red Cross (PRC) upang tumugon sa mga komunidad na apektado ng patuloy na pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon dulot ng southwest monsoon o Habagat.
Nagbibigay ang PRC ng rescue, medical, food, welfare, at water, sanitation and hygiene assistance sa mga komunidad na apektado ng masamang panahon.
As of August 11, nakatulong ang PRC emergency teams sa 113 katao at nakapagsagip ng 32 iba pa. Nakapagtayo rin ang safety teams ng 42 first aid stations, nakagamot ng 57 indibidwal, at nagdeploy ng pitong ambulansya sa mga apektadong lugar.
Patuloy din ang disaster assessment ng PRC sa mga lalawigan sa Luzon at mga lungsod sa National Capital Region upang matukoy ang mga pangangailangan ng mga residente.
Sa relief operations, nakapagbigay ang PRC ng 5,071 hot meals at 3,125 packs ng tinapay, habang 626 indibidwal naman ang naabot ng Child-Friendly Spaces.
Namahagi rin ang health teams ng 189 gamot at 1,321 health information materials, habang 935 katao ang nakilahok sa health teaching sessions.
Samantala, nakapagbigay ang Water, Sanitation, and Hygiene (WASH) teams ng hygiene promotion sa 402 katao, bottled water sa 225 indibidwal, at hygiene kits sa 60 katao.
May kabuuang 573 PRC staff at volunteers ang mobilisado para sa response, habang patuloy na mino-monitor ng mga PRC chapter at response team ang kalagayan ng mga komunidad.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon, nakahanda ang organisasyon na gamitin at i-deploy ang mga kinakailangang resources habang nagbabago ang sitwasyon.
“We are closely monitoring the situation and our teams are ready to move wherever assistance is needed,” ani Gordon. Aniya, prayoridad ng PRC na matiyak na agad na makatatanggap ng tulong ang mga apektado ng Habagat, lalo na sa oras ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.
Pinayuhan naman ng PRC ang publiko na manatiling alerto, subaybayan ang opisyal na weather at local government advisories, iwasang tumawid sa mga binahang kalsada at daluyan ng tubig, at agad na lumikas kapag inatasan ng mga awtoridad.