Patuloy na pinananatiling gumagana ng Department of Transportation (DOTr) ang mga pangunahing serbisyo sa transportasyon sa mga lugar na apektado ng masamang panahon, habang nananatiling nakatalaga sa kani-kanilang puwesto ang mga frontliner sa kabila ng patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat at mga bagyong Luis at Maymay.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng publiko, habang sinisiguro na nananatiling accessible ang mahahalagang serbisyo sa transportasyon para sa mga komunidad na apektado ng sama ng panahon.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, muling ipinakita ng mga tauhan ng DOTr mula sa Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang frontliner ang dedikasyon sa paglilingkod sa publiko.
Kabilang sa kanilang mga gawain ang pagbabantay sa kondisyon ng mga kalsada at terminal, pagtulong sa mga commuter na na-stranded, at pagsuporta sa mga operasyon ng pagsagip at relief efforts sa mga lugar na apektado ng bagyo at Habagat.
Sa hanay ng PCG, nakatalaga ang mga tauhan sa Romblon, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal at Pampanga. Sa ngayon, mahigit 8,000 indibidwal na ang kanilang natulungan at nasagip. Naglaan din ang PCG ng libreng sakay para sa mga stranded na pasahero sa Cavite at Batangas.
Samantala, 24 oras na nakatalaga ang mga tauhan ng SAICT sa EDSA Busway upang tumulong sa mga pasahero at matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon nito.
Nagpatupad din ng Libreng Sakay ang iba pang katuwang na ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Office of the President, Department of Energy, Department of Environment and Natural Resources, Department of Public Works and Highways, Philippine Charity Sweepstakes Office, Department of Economy, Planning, and Development, Department of Labor and Employment, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Ports Authority, LTFRB at LTO.
Tiniyak naman ng DOTr na patuloy nitong susubaybayan ang lagay ng panahon at makikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter at mga personnel na patuloy na nagseserbisyo sa publiko.