Sa kabila ng patuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat at Bagyong Maymay, nagtipon ang mga volunteer ng Philippine Red Cross (PRC) para mag-repack ng relief goods para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa Cavite, Rizal, Bulacan, Pangasinan at Tarlac.
Pinuri ni PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon ang mga boluntaryong naglaan ng kanilang oras sa kabila ng kanilang trabaho, pag-aaral at iba pang responsibilidad.
Kabilang sa mga tumulong ang mga residente mula sa komunidad, mga estudyante mula sa mga unibersidad at miyembro ng iba pang organisasyon.
Bawat relief box ay naglalaman ng limang kilo ng bigas, tig-lilimang lata ng corned beef, beef loaf at sardinas, limang pakete ng noodles at 12 sachet ng kape.
Sa unang bugso, 2,800 kahon ng relief goods ang ihahatid ng PRC sa mga apektadong komunidad sa Luzon.
Ayon kay PRC Secretary General Dr. Gwendolyn Pang, nakalaan ang mga relief goods para sa mga pamilyang pauwi na mula sa evacuation centers, habang patuloy na binibigyan ng hot meals ang mga nananatili roon.
Magsasagawa rin ang PRC volunteers ng house-to-house visits upang kumustahin ang mga pamilyang nagbabalik sa kanilang mga tahanan at tukuyin ang iba pa nilang pangangailangan.
Bahagi ito ng patuloy na humanitarian response ng PRC. Nakapagsagawa na ito ng assessments sa 14 na lugar, nakapagdala ng 1,806 katao sa mga ospital at nakatulong sa 113 indibidwal sa emergency response operations.
Nakapagtayo rin ang PRC ng first aid stations sa 53 lokasyon, nakapagbigay ng hot meals sa 11,417 katao, nakapamahagi ng 14,821 bote ng tubig at 3,281 hygiene kits, at nakapagsagawa ng hygiene promotion para sa 2,190 katao.
Patuloy ang PRC sa pagtulong sa mga komunidad habang unti-unting nagsisimulang makauwi ang mga pamilyang naapektuhan ng Habagat at Bagyong Maymay.