MANILA, Philippines — Dumating na sa bansa ang ikatlong 8-car Electric Multiple Unit (EMU) trainset para sa North-South Commuter Railway (NSCR) Malolos-Tutuban segment, bilang bahagi ng paghahanda sa operasyon ng kauna-unahang modernong commuter railway na mag-uugnay sa mga pangunahing lugar sa Luzon.
Kasalukuyang sumasailalim sa importation process ng Bureau of Customs (BOC) ang trainset bago ito ihatid sa Malanday Depot sa Valenzuela City.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, nananatiling nasa tamang landas ang konstruksyon ng NSCR at makatutulong ito upang mapabilis ang biyahe ng mga commuter.
Sinabi ni Lopez na mahalagang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga tren bago gamitin ng publiko, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang konstruksyon ng proyekto.
Ang bagong trainset ay binili mula sa Japan Transport Engineering Company at Sumitomo Corporation sa ilalim ng Contract Package 03: Rolling Stock (CP03).
Inaasahan namang darating sa Pilipinas sa Oktubre 2026 ang isa pang trainset para sa NSCR.
Target ng Department of Transportation (DOTr) na simulan ang partial operations ng NSCR sa rutang Valenzuela hanggang Malolos, Bulacan sa ikaapat na quarter ng 2027.
Samantala, iniutos na ni Pangulong Marcos ang pagpapabilis sa konstruksyon upang maipagamit ang NSCR mula Valenzuela hanggang Clark, Pampanga bago matapos ang kanyang termino.
May kabuuang 147 kilometro ang NSCR system at magkakaroon ito ng 35 istasyon na mag-uugnay sa Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon.
Kapag ganap nang operational ang buong NSCR, tinatayang aabot sa 800,000 commuter kada araw ang maaaring makinabang sa proyekto.
Inaasahan ding mapapaikli ng NSCR ang biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna sa dalawang oras, mula sa kasalukuyang tinatayang apat na oras.