ASEAN, PINAGTITIBAY ANG PATAKARAN AT PONDO PARA SA MAS NAPAPANATILING SISTEMA NG PAGKAIN

ASEAN policy coherence workshop

LOS BAÑOS, Laguna — Pinagtitibay ng mga bansa sa Southeast Asia ang kanilang mga polisiya at sistema ng pagpopondo upang maisulong ang mas napapanatiling agrikultura at food systems.

Ito ang sentro ng regional workshop on policy coherence and financing for agrifood systems transformation na isinagawa noong Agosto 24 hanggang 26, 2026 sa pangunguna ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA), Food and Agriculture Organization of the United Nations Regional Office for Asia and the Pacific (FAO-RAP), at University of the Philippines Los Baños College of Human Ecology (UPLB-CHE).

Dumalo ang mga kinatawan mula Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Pilipinas, Thailand, Timor-Leste at Vietnam upang suriin ang mga polisiya at financing landscape para sa sustainable agrifood systems.

Layunin ng workshop na mapalakas ang policy coherence at strategic investments upang matugunan ang food insecurity at malnutrisyon, habang pinatitibay ang economic resilience.

Ayon kay SEARCA Center Director Dr. Mercedita Sombilla, hindi lamang dapat masukat ang transformation sa mga nabubuong framework, kundi sa epekto nito sa mga magsasaka at komunidad, katatagan ng food systems, at access sa ligtas, masustansya, abot-kaya at napapanatiling pagkain.

Binigyang-diin naman ni UPLB Vice Chancellor for Research and Extension Dr. Nathaniel Bantayan, na kumatawan kay UPLB Chancellor Dr. Jose Camacho Jr., ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos na nakabatay sa iisang ebidensya at balangkas.

Sinabi ni Dulce Carandang, Assistant FAO Representative for Programme of FAO Philippines, na kailangan ang mas maayos na pagkakahanay ng mga polisiya at mas estratehikong financing upang mapabilis ang pagbabago sa agrifood systems.

Samantala, binigyang-diin ni FAO-RAP Senior Food Safety and Nutrition Officer Dr. Sridhar Dharmapuri na kailangang tingnan ang food systems hindi lamang batay sa nutrisyon, kundi pati sa pinagmumulan ng pagkain, epekto nito sa klima, katatagan, kabuhayan at socioeconomic impacts.

Inilahad ng mga country delegates ang kanilang policy coherence assessments at mga good practices, kabilang ang governance gaps, national priorities at epekto ng mga ito sa food-system outcomes.

Lumabas sa talakayan na nahihirapan ang ilang lokal at rehiyonal na institusyon na ipatupad ang national frameworks dahil sa kakulangan sa budget, mahinang institutional mandates at hindi pagkakatugmang prayoridad.

Natukoy rin ang fragmented public financing, limitadong access sa domestic at external funding, at mga kakulangan sa koordinasyon at pamumuhunan sa iba’t ibang sektor.

Ayon kay Dr. Rathana Peou Norbert-Munns ng UN Food Systems Coordination Hub, kailangang maisalin sa aktuwal na implementasyon sa mga komunidad at sa batas ang mga polisiya.

Binigyang-diin naman ni UPLB-CHE Dean Dr. Jennifer Amparo na makatutulong ang decentralization sa nutrition programs kung may sapat na tao, budget at leadership ang mga lokal na institusyon.

Samantala, sinabi ni Asia Scaling Up Nutrition Movement Regional Representative Dr. Eadara Srikanth na mahalaga ang expenditure tagging at budget tracking para mapalakas ang accountability at maging gabay sa mga susunod na investment.

Ayon naman kay Tomoko Kato, Senior Food and Nutrition Specialist ng Asian Development Bank, dapat direktang isama ang nutrition objectives sa mga agricultural projects.

Sa pagtatapos ng workshop, nagkasundo ang mga delegado sa apat na pangunahing hakbang:

Institusyonalisahin ang cross-sectoral coordination at stakeholder engagement; Palakasin ang results-based monitoring, evaluation at data systems; Isama ang nutrition sa agriculture at food policies at iayon ang financing sa national priorities; at Palakasin ang kapasidad ng subnational at local institutions sa pagpapatupad ng mga programa at paghahatid ng serbisyo.

Umaasa si Dharmapuri na ang mga partnership na nabuo sa workshop ay hahantong sa tuloy-tuloy na pagtutulungan at konkretong pagkilos para sa agrifood systems transformation sa ASEAN.

Facebook Comments