148 MSMEs, ITINAMPOK ANG PINAKAMAHUHUSAY NA PRODUKTO NG CENTRAL LUZON SA 28TH LIKHA TRADE FAIR

3626ed2b-431f-4e1c-a49e-884ea91d5967.jfif

MANDALUYONG CITY — Itinampok ng 148 micro, small and medium enterprises (MSMEs) mula sa pitong lalawigan ng Central Luzon ang kanilang mga de-kalidad at mapagkumpitensyang produkto sa 28th Likha ng Central Luzon Trade Fair 2026, na ginanap nitong Setyembre 23 hanggang 25 sa Megatrade Hall 2, SM Megamall.

Kabilang sa mga kalahok ang mga MSME mula sa Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales, na nagdala ng iba’t ibang produkto mula sa pagkain, bags, home furnishings, accessories at gift items hanggang sa mga novelty at innovative products.

Layunin ng tatlong araw na trade fair na mailapit sa mas malawak na merkado ang mga produktong gawa ng mga lokal na negosyo sa Central Luzon, habang binibigyan ang mga ito ng pagkakataong makahanap ng bagong buyers, makabuo ng business partnerships at mapalawak ang kanilang operasyon.

4b671784-b84c-48a5-80f7-4b55838ca239.jfiff5ef944c-1f1d-4e8e-8f92-c4583fe49bc3.jfif

Sa loob ng 28 taon, nagsilbi nang mahalagang plataporma ang Likha ng Central Luzon sa pagtataguyod ng husay, pagkamalikhain, craftsmanship at entrepreneurial excellence ng mga homegrown businesses sa rehiyon.

Hindi lamang mga mamimili ang target ng trade fair, kundi maging ang mga institutional buyers, industry players at iba pang business stakeholders na naghahanap ng mga de-kalidad na produktong gawa sa Central Luzon.

Tampok din sa aktibidad ang mga produkto at enterprise na sinuportahan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng Department of Trade and Industry (DTI), kabilang ang One Town One Product (OTOP) at Shared Service Facilities (SSF).

ec807c0b-426b-4d13-a40a-a1064cbf642b.jfif

Bago ang trade fair, sumailalim ang mga kalahok sa mga seminar, training, product development at marketing consultations upang higit pang mapaunlad ang kanilang mga produkto at mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagnenegosyo.

Isinagawa rin ang product development activities sa ilalim ng OTOP NextGen Project, kung saan ipinakita sa trade fair ang mga prototype ng mga produktong binuo ng mga kalahok na MSME.

Dinaluhan ang okasyon nina DTI Assistant Secretary Leonila T. Baluyut; DTI-3 Regional Director Edna D. Dizon; Rep. Gloria Macapagal Arroyo ng Pampanga; Rep. Joet Garcia ng Bataan; former Rep. Winston Castelo; Chairman of the Board of the Philippine Pharma Procurement Inc. at PCCI North Luzon Regional Governor Cristina Tuzon; DOT-3 Regional Director Richard Daenos; DTI-4B Regional Director Joey Benter, at iba pang mga opisyal at kinatawan.

c38b0528-1130-44b0-81fe-b796dbc16da9.jfif

ba7aa08f-e644-428c-8c86-20c0c1704ec2.jfif

5854e393-85c2-4100-845e-83a293c79a33.jfif

Samantala, binigyan din ng pagkilala ang tatlong pinakamahusay na MSMEs noong 2025.

Nakuha ng Cley’s Food Products ng Bataan ang ikatlong puwesto, habang Jaykens Sports Bags, mula rin sa Bataan, ang nagkamit ng ikalawang puwesto.

Nanguna naman at itinanghal na first placer ang Edlyn’s Peanuts ng Pampanga.

fb72dfd9-762c-423f-abfb-50a863935248.jfif

Ang Likha ng Central Luzon Trade Fair ay magkatuwang na inorganisa ng DTI Region 3 at Philexport 3, sa buong suporta ng Regional Development Council 3 (RDC 3) at Central Luzon Growth Corridor Foundation Inc. (CLGCFI), na binubuo ng pitong gobernador ng rehiyon.

Sa pagtatapos ng programa, sabay-sabay na pinailawan ang parol, na nagsilbing hudyat ng opisyal na pagbubukas ng 28th Likha ng Central Luzon Trade Fair 2026.

Sa pamamagitan ng taunang trade fair, patuloy na binibigyan ng pagkakataon ang mga MSME ng Central Luzon na maipakita ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado at makapagbukas ng panibagong oportunidad para sa kanilang mga negosyo.

Facebook Comments