Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ang Philippine Medical Association (PMA) ay magsasanib puwersa para sa Forum sa Pagtuturo ng Medisina at Mga Kaanib na Disiplina Gamit ang Filipino: Mga Hámon, Karanasan, at Tugon. Gaganapin ito sa Mayo 16, ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hápon sa PMA Auditorium, Philippine Medical Association Building, North Avenue, Lungsod Quezon.

Dadaluhan ito ng mga propesor na nagtuturo ng medisina at mga kaanib na kurso mula sa iba’t ibang pamantasan at unibersidad sa Kalakhang Maynila at mga karatig na probinsiya. Tampok sa forum ang mga lektura, pakitang-turo, at malayang talakayan.

Ito ang ikalimang forum ng KWF hinggil sa pagtuturo ng mga kursong teknikal gamit ang Filipino. Tinalakay sa mga naunang forum ang sumusunod: agham at matematika (ginanap sa Unibersidad ng Santo Tomas noong Oktubre 8); pananalapi at ekonomiks (Bangko Sentral ng Pilipinas, Nobyembre 13); computer studies at information technology (Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Pebrero 26); at inhenyeriya (UP Diliman, Marso 30).

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kay Grace Bengco sa telepono bilang 736-2525 lokal 107, 0939-8538834, o mag-email sa pagsasalin101@gmail.com.