TUGUEGARAO CITY – Muli na namang nakahuli ang pinagsanib na grupo ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 ng 10 Chinese nationals sa bahagi ng Camiguin Island, sakop ng Cagayan.
Ayon kay Atty. Samuel Agaloos ng BFAR, kasalukuyan silang nagpapatrolya sa lugar na kung saan namataan nila ang dalawang malalaking Chinese vessel na naglalayag sa Camiguin Island kung kaya’t kaagad silang nagsagawa ng operasyon.
Nahirapan umano ang quick response team ng BFAR at PCG sa paghuli sa mga sakay ng barko ng mga dayuhan dahil nagkaroon pa nang habulan at nanlaban pa ang mga ito.
Umabot halos ng dalawang oras ang habulan na nakarating na sa Balintang Channel, na kung saan nasukol ang isang barko at nakatakas ang isa.
Ayon pa kay Agaloos, binangga ng isang Chinese vessel ang barko na sakay ang mga tauhan ng PCG nang magkaroon ng habulan na agad namang sumaklolo ang quick response tean ng BFAR na kung saan nasakote ang 10 Chinese poachers na sakay ng nahuling barko..
Sinabi pa ng opisyal na may ginawang panlilinlang ang nasabing barko dahil may nakalayag na Philippine Flag at may nakasulat sa tagiliran ng barko na subic.
Dinala na sa Camiguin ang barko at ang 10 Chinese poachers para sa kaukulang imbestigasyon.