Malaking tulong at ginhawa para sa mga magsasaka at residente ng Tarangan lalawigan ng Samar, ang katatapos-tapos na ginawang kalsada na nagkakahalaga ng P25.4M mula sa Department of Agrarian Reform o DAR.

Sa isinagawang turn-over ceremony, sinabi ni DAR Regional Director Sheila Enciso na ang sampung (10) kilometrong Imelda road sa Barangay Balugo ay pinapakinabangan na sa ngayon ng dalawang libo at pitong daang (2,700) magsasaka at residente mula sa nasabing lugar.

Ayon pa kay Enciso, inaasahan na rin umano ang pagtaas ng kita ng mga magsasaka dahil mapapabilis na ang pagdadala ng mga produkto patungo sa mga bagsakan at pamilihang bayan.

Malugod namang pinasalamatan ni Tarangan Mayor Danilo Tan ang DAR dahil pangalawang proyektong natanggap nila mula sa Agrarian Reform Communities Project o ARCP ng DAR para sa kanilang bayan.

Ang naturang proyekto ay ipinatupad ng DAR sa ilalim ng ARCP, na pinondohan naman ng Asian Development Bank o ADB na bahagi ng pondo mula sa lokal na pamahalaan ng Tarangan.