Umabot sa P91M halaga ng proyektong pang-imprastraktura, ang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka at mga residente sa bayan ng Payao, lalawigan ng Zamboanga Sibugay, na pinakikinabangan na ng mga ito.
Sa isinagawang turned-over ceremony, sinabi ni DAR Assistant Regional Director Agnes Maata, na kabilang rito ang natapos ng apat (4) na kilometrong konkretong Balungisan-Upper Sumilong farm-to-market road, labing-tatlo punto isang (13.5) kilometrong Balungisan-Guiwan road at rehabilitasyon ng Bulawan Communal Irrigation System sa naturang bayan.
Sinabi pa ni Assistant Director Maata, na ang naturang mga pasilidad ay hindi lamang ipinatupad upang maging magaan ang buhay ng mga magsasaka doon, kundi para na rin sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng nasabing komunidad.
Ang naturang mga proyekto, ay ipinatupad ng DAR sa ilalim ng Agrarian Reform Communities Project phase 2 o ARCP2 na pinondohan naman ng Asian Development Bank o ADB.