Sa naganap na kalunos-lunos na trahedya sa Resorts World sa Pasay City nitong nakaraang linggo na kumitil sa buhay ng 37 biktima, inanunsyo ng Social Security System (SSS) na handa na ang ahensiya na tulungan ang mga biktima at maaaring ng mag-sumite ng aplikasyon ang mga pamilya ng biktima sa mga help desks na itinayo sa mga punerarya kung saan dinala ang mga labi ng mga biktima.
Ayon sa SSS, dalawang help desks ang itinalaga sa Veronica at Rizal Funeral parlors kung saan dinala ang mga biktima ng insidente upang mas mabilis na maproseso ang mga funeral claims ng mga namatay. Nais sana ng SSS na mismong sa Resorts World Manila (RWM) maglagay ng help desk ngunit nananatili itong nakasara ngayon.
Samantala, ang mga nasugatan naman na isinugod sa San Juan de Dios at Pasay General Hospital ay binigyan ng mga SSS forms at pinayuhang ihanda ang mga kinakailangan dokumento upang maproseso ang aplikasyon sa pagkuha ng benepisyo.
Nakipag-ugnayan na rin ang SSS sa pamunuan ng RWM at Marriott Hotel kaya nabigyan ito ng  opisyal na listahan ng mga biktima pati na ang kanilang mga tirahan. Kabilang sa listahan ang 13 empleyado ng naturang hotel at 22 panauhin ng casino. Dahil dito, mas mabilis ang imbestigasyon o fact of death sa mismong burol ng mga biktima na hindi nakilala sa punerarya. Ang dalawang karagdagang biktima na na-rekober sa hotel ay kikilalanin pa lamang.
Sa kasalukuyan, limang funeral claim applications mula sa mga empleyado ng RWM ang pinoproseso ng SSS.
Ayon pa sa SSS, bumuo agad ito ng ispesyal na grupo noong Biernes para tutukan ang pagtulong sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya at gawing mas mabilis ang pagsumite ng  kanilang benefits claims sa SSS.