Naghahanap ng mga paraan ang Department of Agriculture (DA) para mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka ng gulay sa Benguet dahil sa patuloy na pag-ulan na nakaaapekto sa produksyon, pagbibiyahe at pagbebenta ng mga ani.
Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang DA-Cordillera Administrative Region na agad suriin ang sitwasyon at magpatupad ng mga kinakailangang hakbang upang matulungan ang mga magsasaka.
Kabilang sa mga naiulat na nasayang ang Chinese cabbage at carrots na iniwan at itinapon sa bahagi ng Labey-Lacamen Road sa Tublay, Benguet.
Ayon sa DA-CAR, umabot sa 2.5 tonelada ang Chinese cabbage na inani ng isang magsasaka mula sa Gambang, Bakun noong Agosto 13. Dalawang gabi at dalawang araw itong nakapila bago nakapasok sa trading center sa La Trinidad.
Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at pagkakarga habang basa ang mga gulay, nagsimulang mabulok ang cabbage at hindi na maibenta.
Samantala, apat na toneladang carrots naman ang inani ng isang magsasaka sa Amlimay, Buguias noong Agosto 11. Pagsapit ng tanghali kinabukasan, 700 kilo lamang ang naibenta habang nagsimulang mabulok ang natitirang ani.
Aabot sa 5.8 tonelada o 5,800 kilo ng gulay ang kabuuang naitalang nasayang sa dalawang insidente.
Ayon sa DA, kabilang sa mga dahilan ng pagkalugi ang tuloy-tuloy na pag-ulan, basang ani, matagal na pila sa trading centers, kakulangan ng mamimili at hindi magandang kondisyon ng mga kalsada.
Patuloy namang pinalalawak ng DA-CAR ang market access sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo, transport assistance at pakikipag-ugnayan sa mga institutional buyers.
Ngayong Agosto, nakatulong na ang ahensya sa hindi bababa sa 46 farmer cooperatives at associations at nailipat sa direktang pamilihan ang 32.83 metric tons ng gulay na tinatayang nagkakahalaga ng 1.2 milyong piso.
Mayroon din umanong nakalaang seed reserves na binubuo ng broccoli at carrot seeds, cabbage, Chinese cabbage, lettuce at pakchoi seeds, gayundin ng 6-in-1 salad mix vegetable seeds.
Layunin ng DA na mapalakas ang logistics at market linkages upang matulungan ang mga magsasaka sa Benguet na mabawasan ang pagkalugi dulot ng panahon at problema sa merkado.