Pinalalawak ng Task Force Kasanag (TFK) ang adbokasiya nito na hindi lamang nakatuon sa paglaban sa korapsyon, kundi maging sa pagtugon sa mga usapin ng kahirapan at edukasyon sa bansa.
Ito ang binigyang-diin sa soft launching ng TFK Alliance Brotherhood, na ginanap noong Agosto 21 sa Favillion Room, Club Filipino sa Greenhills, San Juan City.
Malugod na tinanggap ni TFK Founding Chairman Dr. John J. Chiong ang mga dumalo sa naturang pagtitipon, na naglalayong pag-isahin ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, pribadong sektor, business community, legal profession, militar, iba’t ibang sektor, mga retiradong kawani ng pamahalaan, at media.
Layunin ng TFK Alliance Brotherhood na palakasin ang ugnayan at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor sa pagsusulong ng pagkakaisa, lakas, kolaborasyon at mabuting pamamahala o good governance.
Pinangunahan ni Atty. Nestor C. Ifurung Jr., Head Executive Assistant to the DAR Secretary, ang oath-taking ng mga opisyal at miyembro ng TFK Alliance Brotherhood.
Isinagawa rin ang ribbon-cutting at unveiling ng TFK Alliance Brotherhood marker, gayundin ang ceremonial signing ng Unity Pledge of Alliance.
Kabilang sa mga naging bahagi ng seremonya sina Dr. John J. Chiong, Atty. Nestor Ifurung, Atty. JV Hinlo, Atty. Eugene Alfa, Dr. Ted Herbosa, Engr. Shelwin Lao, Mr. Bernard Miñosa, at iba pang founding officers at panauhin.
Ayon kay Atty. JV Hinlo, nananatiling pangunahing layunin ng organisasyon ang paglaban sa korapsyon, ngunit nakita ng liderato sa pangunguna ni Chairman Chiong na marami pang ibang suliranin ang kailangang pagtuunan ng pansin.
Sinabi ni Hinlo na mahalagang makatulong sa mga lider ng bansa sa paghahanap ng konkretong solusyon sa kahirapan at sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon upang maisulong ang tunay na pagbabago.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga lider na nagsusulong ng good governance upang mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan.
Samantala, binanggit din ni Hinlo ang kahalagahan ng tamang timing sa impeachment proceedings. Aniya, mas mainam na magkaroon ng pinal na desisyon bago ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga kandidatong tatakbo sa pambansang posisyon upang maiwasan ang mga komplikasyong maaaring makaapekto sa political landscape ng bansa.
Sa pamamagitan ng TFK Alliance Brotherhood, layunin ng grupo na pagsama-samahin ang iba’t ibang sektor upang makatulong sa paghahanap ng mga solusyon sa mga pangunahing suliranin ng bansa at sa pagsusulong ng isang mas progresibo, mapayapa at makatarungang lipunan.