Libreng art classes ng “Summer IsCool sa Marikina,” bukas pa para sa mga nais sumali

Mas pinalawak pa ng pamahalaang lungsod ng Marikina City ang mga aktibidad ngayong bakasyon matapos nitong pormal na ilunsad ang programang “Summer IsCool sa Marikina” nitong Biyernes, Mayo 8, habang patuloy pa ring tumatanggap ng mga kalahok para sa libreng art classes at iba pang summer workshops ng lungsod.

 

Ayon kay Marjorie Ann Teodoro, layunin ng programa na gawing masaya at makabuluhan ang bakasyon ng mga bata sa pamamagitan ng iba’t ibang learning at recreational activities.

 

“Nais natin na maging masaya ang summer ng mga bata, pero mahalaga rin na may natututunan sila at nade-develop na bagong skills habang nag-e-enjoy kasama ang kanilang mga kaibigan,” ani Mayor Maan.

 

Kabilang sa libreng arts classes ang folk dance, contemporary at jazz dance, hip-hop dance, introduction to performing arts, visual arts workshops tulad ng watercolor at pastel, photography, at Marikina photowalk activity.

Sinabi rin ni Mayor Maan na layunin ng mga workshop na matulungan ang mga kalahok na maipakita ang kanilang talento at mas mapaunlad pa ang kanilang kakayahan sa sining ngayong bakasyon.

 

Bukod sa arts classes, may mga libreng programa rin para sa musika, sports, at skills development para sa mga bata, kabataan, at matatanda.

 

May mga inihandang adult classes gaya ng basic makeup at beauty care, soap making, stress reduction techniques at basic yoga, flower arrangement, at dish garden making workshops.

Ayon sa lungsod, layunin din ng Summer IsCool sa Marikina na matulungan ang mga kalahok na magkaroon ng bagong kaalaman, disiplina, kumpiyansa sa sarili, at bagong kaibigan habang bakasyon.

Facebook Comments