MARIKINA CITY — Flood-free na ang buong Marikina matapos ang ilang araw na malakas na pag-ulan dulot ng habagat na nagpaakyat sa Marikina River sa 17.5 metro, na nag-trigger sa second alarm at paglikas ng mga residente sa mabababang lugar.
Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, nasa 14.1 metro na lamang ang water level ng ilog dakong 1:40 ng hapon nitong Agosto 11, na nasa normal na antas na. Passable na rin ang lahat ng kalsada sa lungsod.
Nakauwi na rin ang lahat ng pamilyang pansamantalang nanatili sa 29 evacuation centers matapos humupa ang baha. Agad namang sinimulan ang clearing at cleaning operations sa mga naapektuhang komunidad at mga paaralang ginamit bilang evacuation centers.
Kasabay nito, personal na nagtungo si Mayor Maan sa Libis Bulelak, Barangay Malanday, kasama ang mga doktor at City Health Office personnel, upang mamahagi ng vitamins at gamot laban sa leptospirosis, lalo na sa mga residenteng lumusong sa baha.
Sinabi ni Teodoro na bagama’t umabot sa 17.5 metro ang Marikina River, malaking bahagi ng lungsod ang hindi nakaranas ng pagbaha. Bahagyang pagbaha lamang ang naitala sa ilang mabababang lugar at komunidad na malapit sa ilog.
Ayon sa alkalde, malaking tulong sa pagbawas ng epekto ng baha ang regular na dredging ng Marikina River, declogging ng drainage at paglilinis ng mga creek, kasama ang flood mitigation infrastructure at early warning system ng lungsod.
Patuloy din ang paggamit ng lungsod ng mga specialized equipment, kabilang ang amphibious dredgers, para sa river maintenance. Noong Hunyo, nag-turn over ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng bagong amphibious dredger sa Marikina.
“Ginagamit na natin ito kasama ng ating existing dredger para mas mapabilis ang pagpapalalim at pagpapalawak ng Marikina River. Mas malaking water-carrying capacity, mas handa tayo ngayong tag-ulan,” ani Teodoro.
Patuloy namang mino-monitor ng Marikina LGU ang lagay ng panahon at nagsasagawa ng kinakailangang clearing operations. Hinikayat ni Mayor Maan ang mga residente na manatiling alerto, sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at makipagtulungan sa mga awtoridad sakaling magkaroon ng emergency.
Bagama’t hindi tuluyang maaalis ang panganib mula sa matitinding weather events, tiniyak ng lungsod na patuloy nitong palalakasin ang flood mitigation at disaster preparedness upang maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga Marikeño.